Daan-daan, dumalo sa internasyunal na parangal kay Ka Joma

Nagsama-sama ang magkakaibang henerasyon ng mga aktibista at komunista sa inilunsad na International Day of Tribute para kay Kasamang Jose Maria Sison noong Disyembre 23 sa Utrecht, the Netherlands. Malaking bilang sa mga dumalo ay mga kabataan, ayon sa National Democratic Front of the Philippines (NDFP) International Office.

Dumalo sa parangal ang mga kinatawan ng mga partidong pulitikal at organisasyong Marxista-Leninista, mga progresibong grupo, anti-imperyalistang mga grupo at indibidwal, mga organisasyon sa Europe, migranteng Pilipino at mga kasama ni Ka Joma. Liban sa kanila, daan-daan din ang tumunghay sa programa na ipinalabas sa social media.

Inilunsad ang pagtitipon matapos ang limang araw na pagbubukas sa publiko ng mga labi ni Ka Joma mula Disyembre 18 hanggang 22. Maraming personahe ang bumisita sa lamay ni Ka Joma kabilang na ang kanyang mga abugado na tumulong sa kanya sa pagtatanggal ng kanyang pangalan sa teroristang listahan ng Europe.

Si Ka Joma ay pumanaw noong Disyembre 16 matapos ang higit dalawang linggong pagkaka-ospital.

Sa kani-kanilang mga talumpati, nagbigay-pugay kay Ka Joma ang mga tagapagsalita mula sa Australia, Belgium, Germany, Hong Kong, Indonesia, Korea, Kurdistan, north Kurdistan, New Zealand, Palestine, Suriname, The Netherlands, Turkey at Ukraine. Samantala, ilandaang organisasyon at indibidwal mula sa iba’t ibang bahagi ng mundo ang nagpaabot ng kani-kanilang mensahe ng pakikiramay kay Ka Julie at pagdakila kay Ka Joma at kanyang mga ambag sa internasyunal na aspeto.

“Lubos akong nagdadalamhati at alam kong ramdam niyo rin ito, pero ibaling natin ang pagdadalamhati tungong rebolusyonaryong tapang sa determinadong pagsusulong ng panlipunan at demokratikong rebolusyon para ang uring manggagawang kumakatawan sa sangkatauhan ay sumulong tungong sosyalismo,” pahayag ni Julie De Lima, asawa ni Ka Joma at kasalukuyang interim Chairperson ng NDFP Peace Panel.

Ipinabatid ng mga organisasyong dumalo at nakiisa online ang kanilang lubos na pasasalamat at paghanga kay Ka Joma at kung paanong ang kanyang mga pagsusuring pampulitikang at sulatin sa teorya at praktikal na aplikasyon ng Marxismo-Leninismo-Maoismo ay malaking tulong sa kani-kanilang pakikibaka.

Ayon pa sa isang Dutch na naglimbag ng kanyang libro, mananatiling buhay si Ka Joma sa kanyang mga sulatin at libro.

Isasagawa ngayong araw sa The Netherlands ang huling pamamaalam sa mga labi ni Ka Joma. Dadalhin ang kanyang labi sa Crematorium Daelwijck sa Utrecht kung saan mananatili ang kanyang mga abo sa susunod na 30 araw.

AB: Daan-daan, dumalo sa internasyunal na parangal kay Ka Joma