5-taong bata sa Himamaylan, natroma sa mga sundalo
Hindi nakuntento sa paghahasik ng lagim sa Barangay Carabalan, tinatarget naman ngayon ng 94th IB ang mga komunidad sa Barangay Buenavista, Himamaylan City. Kabilang sa hindi bababa sa 200 biktima ng paglabag sa karapatang-tao ng tropa ng 94th IB ang 5-taong gulang na anak ng mag-asawang Salcedo sa Barangay Buenavista, Himamaylan City sa nagdaang linggo.
Sapilitang pinasok at niransak ng 94th IB ang bahay ng mag-asawang Sandro at Racel Salcedo noong Oktubre 27, alas-4 nang madaling araw Sityo Ulo-Tuburan. Kapiling ng mag-asawa ang kanilang 5-taong gulang na anak nang pasukin ng sundalo ang bahay. Pinagbantaan ng mga sundalo ang pamilya na mayroong masamang mangyayari sa kanila kung iuulat ang insidente.
Noong Oktubre 25 sa parehong sityo, iligal na ikinulong at ininteroga ng tropa ng 94th IB si Welson Anianio, 40 anyos. Dumanas siya ng pisikal at sikolohikal na tortyur sa kamay ng militar.
Samantala, niransak at tinakot ng mga sundalo ang maraming residente ng Sityo Lanap at Asaran sa parehong barangay noong Oktubre 20. Naghuramentado ang mga sundalo dahil sa pagtutol ng mga residente sa sapilitang pagpapabakwit sa kanilang komunidad. Nagbanta pa ang mga berdugo na mayroong mangyayaring masama sa komunidad katulad ng pambobomba dito kung hindi sila lilikas.
Sapilitan ding pinalalayas sa kanilang komunidad ang mga residente ng Sityo Pisok. Binantaan silang ikukulong kung hindi susunod sa atas ng militar.
Nagsasangtwaryo ang mga nagbakwit na residente sa Sityo Cantupa at Tigbao. Hindi bababa sa 50 pamilya ang sapilitang lumikas.
Binibiktima ng 94th IB ang sibilyang mga komunidad sa tabing ng paghahabol sa Bagong Hukbong Bayan at operasyong kontra-insurhensya nito.
Matatandaan na noong una hanggang ikatlong linggo ng Oktubre ay sapilitang pinalikas ng mga sundalo ang 18,000 residente, pangunahin sa Barangay Carabalan, matapos ang magkasunod na engkwentro ng yunit ng 94th IB sa hukbong bayan.