Adyenda para sa eleksyon 2025 at lampas dito, inilatag ng komunidad ng LGBTQ+
Inilunsad ng Bahaghari at Rainbow Rights noong Abril 28 sa isang press conference ang pinag-isa at komprehensibong 7-puntong adyenda ng LGBTQ para sa eleksyon 2025 at higit pa.
Dagdag sa Bahaghari at Rainbow Rights, ang LGBTQ+ Agenda ay pinagyaman ng mga organisasyon sa komunidad tulad ng PUP Kasarinlan, grupo ng mga manggagawa na LGBTQ+ tulad ng BE GLAD at relihiyosong organisasyon na Open Table MCC. Nabuo ang adyenda mula sa kasalukuyang sitwasyon ng mga komunidad ng LGTQ+ sa iba’t ibang larangan.
Ayon kay Reyna Valmores Salinas, pinuno ng Bahaghari, “sa unang pagkakataon sa kasaysayan ng Pilipinas, nakapagbuo ang mga Pilipinong LGBTQ+ sa loob at labas ng bansa ng nagkaisa na agenda ng mga LGBTQ+, isang komprehensibong listahan ng mga hinihiling na mga patakaran ng Pilipinong LGBTQ+ sa larangan ng sibil at demokratikong mga karapatan, ekonomya, edukasyon, kalusugan, pulitika at kasarinlan.
Aniya, “ito ang nagsisilbig kahingian ng mga komunidad bago, habang at kahit na tapos na ang eleksyon 2025”.
Nilalaman ng pitong puntos ng 2025 LGBTQ+ agenda ang: 1) komprehensibo at inclusive na legal na proteksyon at pagkilala; 2) pagkikilala sa SOGIESC sa edukasyon at pagpigil sa mapanupil na patakaran sa mga eskwelahan; 3) kumprehensibo at libreng serbisyong pangkalusugan; 4) pagtaas ng sahod para sa lahat, kabilang ang pagtatag ng pambansang minimum na sahod na naka-angkla sa family living wage na nasa ₱1,200; 5), paglikha ng trabaho at sosyal na proteksyon, kabilang ang pagwaksi sa kontraktwalisasyon, pagtaguyod at pagprotekta ng karapatan sa pagbuo ng unyon; 6), tunay na reporma sa lupa at pambansang industriyalisasyon; at 7) pagpapatupad ng malayang patakarang panlabas.
“Ang 7-point agenda ay hindi lamang para sa mga komunidad ng LGBTQ+ kundi para sa lahat ng Pilipino,” saad ni Pura Luka Vega ng Rainbow Rights Philippines. Aniya, “ang mga “queer” ay bahagi at saklaw ng United Nations International Convention on Human Rights. Ang aming mga karapatan ay pareho lang sa karapatan ninyo, kami ay nagbabayad ng buwis at mahalagang bahagi ng lipunan”.
Ayon kay Yell Teresa, Chairperson ng Bahaghari PUP, “gusto namin ng ligtas na espasyo sa mga unibersidad na malaya sa militarisasyon at may karapatan ang mga studyante na maging malaya sa diskriminasyon.” Diin ni Teresa na mayroon nang maraming batas tulad ng “Anti-Bullying Act” ngunit nagpapatuloy pa rin ang “bullying” dahil hindi ito lubos na naipatutupad.
“Ang ₱1,200 na minimum wage ay tutugon sa pangunahing pangangailangan ng komunidad ng LGBTQ+, ganun din ng pambansang industriyalisasyon na syang tutugon sa seguridad sa trabaho” dagdag ni Nohmsater Diego ng Kilusan ng Manggagawang Kababaihan.
Nagpahayag naman ng pagsuporta si Sarah Elago, unang nominado ng Gabriela Women’s Party sa pagsusulong ng adyenda ng LGBTQ+. Aniya, kailangan nang maisabatas ang SOGIE Equality Bill. “Ang agenda ng LGBTQ+ commmunity ay hindi hiwalay sa pangkabuuang laban ng mamamayan sa kahit anumang porma ng abuso, diskriminasyon at pagsasamantala.”