Balita

Bagong CBA, matagumpay na naigiit ng mga manggagawa sa Philippine Span Asia Carrier Corp

Matapos ang isang taon, matagumpay na nakipagnegosasyon at naigiit ng mga manggagawa ng Philippine Span Asia Carrier Corp ang kanilang mga karapatan sa kanilang collective bargaining agreement (CBA). Pinirmahan ng Samahan ng Manggagawa sa PSACC-National Federation of Labor Unions-Kilusang Mayo Uno (SMPSACC-NAFLU-KMU) at maneydsment ng kumpanya ang kasunduan noong huling linggo ng Oktubre.

“Sa hinaba-haba ng negosasyon, mapayapa pa ding natapos ang aming CBA,” pahayag ng unyon. Pinasalamatan ng pamunuan nito ang suporta at paggabay ng pederasyon na NAFLU-KMU sa negosasyon.

Nag-umpisa ang negosasyon noong Nobyembre 2023 matapos ma-expire ang dating kasunduan noong Oktubre 2023. Nakakuha ang unyon ng dagdag-sahod, karagdagang mga bayad tulad ng longevity pay at iba pang mga benepisyo sa bagong CBA.

Kumaharap ang unyon sa iba’t ibang tangka ng maneydsment na idiskaril ang negosasyon at pahinain ang pagkakaisa ng mga manggagawa. Nagpakana ang maneydsment ng “sportfest” kung saan ginastusan ang uniporme, pagkain at iba pang pakulo para gawing abala ang mga manggagawa at pahinain ang kanilang ang partisipasyon sa negosasyon. Gumamit pa ang kumpanya ng iba’t ibang taktika ng pag-antala sa negosasyon.

Gayunman, naging mapagpasya ang unyon nang hindi na umusad ang negosasyon at nagdeklara ng “no resetting” para magkaroon ng pagkakataon na konsultahin ng panel ng unyon ang mas mataas na maneydsment. Kasunod nito, nagpatawag ng mga pulong ang unyon at nagplano ng kanilang sama-samang pagkilos.

Nang hindi ibinigay ng kapitalista ang makabuluhang mga konsesyon sa negosasyon, itinulak ng unyon ang kanilang laban tungo sa Regional Conciliation and Mediation Board (RCMB) at Department of Labor and Employment. Sa tuluy-tuloy nilang paggiit ay nakakuha sila ng ilang tagumpay.

Gayunman, naniniwala ang unyon na “kung naisagawa ang naging kaisahan at plano [ay] may aanihin pang dagdag na tagumpay” sa naging negosasyon para sa bagong CBA.

AB: Bagong CBA, matagumpay na naigiit ng mga manggagawa sa Philippine Span Asia Carrier Corp