Bagong CNA sa pagitan ng unyon at pamunuan ng Senado, naipanalo ng mga kawani
Pinangunahan ng presidente ng Sandigan ng mga Empleyadong Nagkakaisa sa Adhikain ng Demokratikong Organisasyon (SENADO) na si Rosel Eugenio at Senate President Francis “Chiz” G. Escudero ang pagpirma sa 2024-2028 Collective Negotiation Agreement (CNA) noong Disyembre 5 sa bulwagan ng plenaryo ng Senado sa Pasay City. Nakamtan ng unyon ang disenteng sahod, seguridad sa trabaho, makataong kundisyon sa paggawa at iba pang batayang mga karapatan ng mga empleyadong rank-and-file sa bagong CNA.
Kabilang sa CNA ang pagsama sa mga gawain ng lider ng unyon sa Performance Appraisal Report (PAR) para kilalanin ang kanilang kontribusyon sa organisasyon; suporta sa pagpapalawak ng Step Increment System para sa mga mga empleyadong kaswal at kontraktwal ng Senado; at pagbubuo ng Senate Secretariat Merit Selection and Promotion Plan para tiyakin ang propesyunal na pag-unlad ng mga empleyado. Kinilala ng mga kasapi ng SENADO na isa itong tagumpay para sa kanila at matagal na nilang paggigiit para sa kanilang karapatan at kagalingan.
Sa talumpati ni Escudero sa programa, kinilala at pinagpugayan niya ang kontribusyon ng mga empleyado. “Ang tunay na sukatan ng isang matagumpay na CNA ay kung magiging daan ito para mas maging maganda at maayos ang relasyon sa samahan, trabaho, at serbisyo,” pahayag ni Escudero.
Pinagpugayan ng Confederation for Unity, Recognition and Advancement of Government Employees (Courage) ang naging matagumpay na negosasyon para sa CNA ng SENADO. “Mabuhay ang SENADO! Sulong sa Militante, Progresibo at Makabayang Unyonismo!” ayon sa grupo. Ang SENADO ay isa sa mga kasaping organisasyon ng Courage.
Ang bagong CNA ng mga kawani at pamunuan ng Senado ay patunay sa katayuan ng unyon ng mga kawani. Sampal ito sa mukha ng National Task Force-Elcac at National Intelligence Coordinating Agency na nagparatang sa SENADO at mga lider nito noong 2021 na sila ay “operatiba ng Partido Komunista ng Pilipinas” at na “hina-hijack” ng unyon ang mga programa at plano ng reaksyunaryong estado.