#Balitaan: Manggagawang bukid sa Negros, nagmartsa para sa ayuda
Nagmartsa ang mahigit 300 manggagawang bukid tungo sa Old Provincial Capitol sa Bacolod City noong Agosto 25 upang hingiin sa lokal na pamahalaan na ibigay ang ayuda na nakalaan para sa kanila sa panahon ng Tiempo Muerto (Mayo-Setyembre).
Pinangunahan ng National Federation of Sugar Workers at Kilusang Mayo Uno-Negros ang protesta na itinaon sa nakatakdang dayalogo ng mga manggagawa at gubernador ng Bacolod na si Eugenio Jose Lacson. Hinimok nila ang lokal na pamahalaan na tugunan ang lumalalang kalagayan ng kagutuman at kahirapan sa prubinsya.
Anila, dapat magbigay ng ayuda ang pamahalaan laluna nang mabunyag kamakailan ang may P63 milyon na dapat sanang ayuda sa mga manggagawang bukid sa tubuhan ang hindi nakarating sa mga manggagawa. Nanawagan din silang direktang ipamahagi sa kanila ang anumang ayuda para sa industriya ng asukal.
Kinundena rin nila ang patuloy na operasyon ng quarry sa Silay city na anila ay nagdulot ng pagbaha at sumira sa kanilang mga pananim.
Sa Iloilo, hirap din ang mga magsasaka dulot naman ng dinaranas ng prubinsya na matinding tagtuyot o tigririwi na maaring tumagal hanggang Oktubre o Nobyembre. Noong nakaraang buwan, maraming tangkal ang nasira dulot ng malakas na hangin. Hindi rin maayos ang pangingisda dahil sa tuluy-tuloy na masamang panahon.
#Aklas