Balita

Baybayin ng Dumaguete City, iginiit na proteksyunan

, ,

Higit 200 taong-simbahan, mga tagapagtanggol ng kalikasan, kabataan at residente sa baybayin ng Dumaguete City ang nagtipon sa Pantawan, Rizal Avenue, Barangay 5 para sa “Ecumenical Walk for Creation.” Layon ng pagkilos ng mga grupo na ipanawagan ang hustisyang pangkalikasan at pagprotekta sa kalikasan laban sa mapanirang mga proyekto.

Sa pangunguna ng grupong simbahan, naglunsad ng panalangin at programa ang mga kalahok. Inihayag nila ang suporta sa laban ng mga residente ng Purok Ubos, Barangay Tinago na pinakaapektado ng multi-milyong proyektong reklamasyon na Palawan 2 extension sa Dumaguete City. Kinahaharap ng komunidad ang malawakang pagpapalayas, pagkawala ng kabuhayan at posibleng demolisyon sa kanilang mga bahay. Apektado ng reklamasyon ang 1,000 maralitang residente at mangingisda.

Sasaklawin ng reklamasyon ang tinatayang 2.09 ektaryang erya na mayaman sa isda at iba pang lamang-dagat. Ayon sa ulat ng Save Tinago Alliance, grupong tutol sa reklamasyon na binuo noong Setyembre 2023, isa sa planong itayo ng lokal na gubyerno sa reklamasyon ang malaking swimming pool.

Hanggang sa kasalukuyan ay walang isinagawang konsultasyon at dayalogo ang lokal na gubyerno sa apektadong mga komunidad at residente. Ang buong barangay ay may tinatayang 3,000 residente, pinakamalaki sa walong barangay sa sentro ng Dumaguete City.

Naninindigan ang simbahan kasama ng mga residente sa anito’y pagtataguyod ng hustisyang panlipunan para sa mga komunidad na nagsisilbing bantay at nagtatanggol sa kalikasan.

Anito, ang pagtitipon ay nagbibigay diin sa pangangailangan ng pagkakaisa ng mga taga-Dumaguete na ipagtanggol ang kalikasan at hustisyang panlipunan.

AB: Baybayin ng Dumaguete City, iginiit na proteksyunan