Buhay ni Ka Fidel, ginunita sa kanyang kaarawan

Ginunita kahapon, Agosto 8, ng mga progresibong grupo, tagapagtaguyod ng kapayapaan, kakilala at kaibigan ni Ka Fidel Agcaoili ang kanyang ika-73 kaarawan sa isang pagtitipon sa UP Diliman sa Quezon City. Pinasinayaan ang parangal-pagtitipon ng grupong Pilgrims for Peace, Bagong Alyansang Makabayan (Bayan), ACT for Peace, Migrante International at iba pang mga organisasyon. May tema itong “A Lifetime of Struggle for Freedom, Democracy, and Peace.”

Ito ang kauna-unahang pisikal na pagtitipon matapos mamatay si Ka Fidel noong Hulyo 2020 sa The Netherlands. Naiuwi ang kanyang mga labi sa bansa noong Disyembre 2021.

Si Ka Fidel ay naging bahagi ng pambansa-demokratikong kilusan mula dekada 1960. Siya ay isa sa pinakamatagal na ikinulong sa ilalim ng batas militar ng diktadurang US-Marcos I. Nang makalya, isa siya sa mga nagtatag ng Samahan ng mga Ex-Detainee Laban sa Detensyon at Aresto (SELDA).

Nakilala si Ka Fidel sa magiting na pagtataguyod at pagsusulong na usapang pangkapayapaan sa pagitan ng National Democratic Front of the Philippines (NDFP) at Gubyerno ng Republika ng Pilipinas (GRP). Nagsilbi siyang punong negosyador ng NDFP sa usapang pangkapayapaan bago pumanaw.

Napuno ng parangal at pagpupugay ang naging pagtitipon sa UP Diliman. Dumalo dito ang dating mga nakasama at nakatrabaho ni Ka Fidel tulad nina Ka Satur Ocampo, si dating UP President Francisco Nemenzo at mga beterano ng anti-diktadurang pakikibaka tulad nina Boni Ilagan, Judy Taguiwalo, Elisa “Tita” Lubi at Carol Araullo.

Nagpabatid din ng kanilang mensahe at pagkilala sina dating GRP peace panel chair Silvestre Bello III, Sen. Loren Legarda at Elisabeth Slattum, special envoy ng Norway sa usapang pangkapayapaan ng GRP-NDFP mula 2014 hanggang 2017.

Nagpadala ng mensahe si Prof. Jose Maria Sison, kasalukuyang Chief Political Consultant ng negotiating panel ng NDFP sa pagtitipon. Ayon sa kanyang mensahe, inilarawan niya si Ka Fidel bilang “isang mahusay na halimbawa ng kanyang henerasyon at para sa mga susunod pang henereasyon bilang rebolusyonaryong mandirigma para sa pambansang kalayaan, demokrasyang bayan at makatarungang kapayapaan.”

Binanggit din ni Prop. Sison na ipinagmamalaki niyang nakasama niya si Ka Fidel simula pa noong maagang bahagi ng 1960. “Sabay kaming umunlad sa larangan ng ideolohiya, pulitika at orgnisasyon para sa pagsusulong ng bagong demokratikong rebolusyon,” dagdag niya.

Para kay Renato Reyes Jr ng Bayan, sinabi niyang kilala si Ka Fidel bilang “marangal, matapat at matatag na nakipaglaban para sa tunay na kalayaan, demokrasya at kapayapaan.”

“Sana ay mas marami pang kabataan ang makakilala sa kanya, sa kanyang naging paglalakbay at mga nagawa para sa bayan. Panatiliin nating buhay ang kanyang ala-ala at halawan ng inspirasyon ang kanyang buhay,” pagtatapos ni Reyes.

AB: Buhay ni Ka Fidel, ginunita sa kanyang kaarawan