Cha-cha, iraratsada sa Kongreso ngayong taon

,

Desidido ang mga kongresistang pasimuno ng charter change (cha-cha) o pagbabago sa konstitutsyon na iratsada ang mga pagdinig kaugnay dito simula ngayong Enero. Ayon sa pangulo ng komite sa mga pag-amyenda sa konstitusyon sa Mababang Kapulungan, maglulunsad sila ng mga “marathon hearing” (tuluy-tuloy na mga pagdinig) para “pabilisin” ang pag-apruba sa walong panukala at resolusyon na pawang naglalayong amyendahan ang konstitusyong 1987.

Noon pang Disyembre sinabi ng pinuno ng naturang komite na si Rep. Rufus Rodriguez (Cagayan de Oro, 2nd District) na “kaagad” na sisimulan ang mga pagdinig sa Enero 26, at kada dalawang linggo pagkatapos nito.

Kabilang sa nais i-amyenda ang pagtanggal sa pagbabawal sa nakaupong presidente at bise presidente na muling tumakbo para sa parehong pusisyon, 5-taong panunungkulan ng bawat isa at 5-taong panunungkulan din para sa mga kongresista imbes sa kasalukuyang 3-taong termino. Ibig sabihin, maaari nang umupo nang tuluy-tuloy na 10 taon ang lahat ng mga halal na upisyal ng gubyerno, mula presidente hanggang konsehal ng bayan.

Binatikos ito ng Koalisyong Makabayan sa Kongreso na noo’y nagsabing: “Wala pa ngang anim na buwan sa panunungkulan ni Marcos Jr bilang presidente, pero humahakbang na ang naghaharing koalisyon para panatilihin ang kanilang mga sarili lampas sa pinahihintulutan ng Konstitusyon at tanggalin ang nalalabing konstitusyunal na proteksyon para ipagtanggol ang ekonomya at patrimonya para sa mga Pilipino.” Nanawagan ang mga kongresista ng Makabayan sa mamamayan na muling ibasura ang mga tangkang pagbabago sa konstitusyon sa isang pahayag noong Disyembre 14, 2022.

Liban sa term extension, muling ilulusot ng mga mambabatas ang todong pagbubukas sa nalalabing mga sektor sa lokal na ekonomya na protektado para sa mga negosyong Pilipino. Tulad sa nakaraan, idinadahilan pa rin nila na makapagdadala ito ng bagong dayuhang puhunan sa bansa sa kabila nang paulit-ulit nang napabubulaanan ang sinasabing “benepisyo” nito sa lokal na ekonomya.

Isa pang panukala ang naghapag ng paglulunsad ng Constitutional Convention o con-con sa Disyembre nitong taon. Itinutulak ng mga pasimuno nito na isabay sa eleksyon para sa barangay at Sanggunian Kabataan sa Oktubre ang eleksyon ng magiging delegado (1 kada distritong kongresyunal) ng “con-con.” Anila, maaaring hindi na diumano sila “paniniwalaan ng mga tao” kung hindi ito maisasagawa nang mabilis (fast-track) sa loob ng taon.

Hindi naisama ang cha-cha sa mga iniratsadang panukala noong Disyembre 2022 katulad ng mga panukalang nagbuo ng Maharlika Investment Fund at para sa MROTC, dahil sa mahigpit na pagtutol dito ng mga kongresista ng Makabayan. Anila, hindi kailangan ng mamamayan ang cha-cha. Ang kailangan nila ay tulong para maibsan ang hirap na dala ng nagtataasang presyo ng langis, pagkain, transportasyon at iba pa.

Kada bagong Kongreso mula 1997, palagian nang tinatangka ng mga nakaupo sa poder at kanilang mga alipures dito ang pag-amyenda sa Konstitusyon para sa kanilang sariling interes ng pagpapalawig ng pag-upo sa pwesto at pagbubukas ng lokal na ekonomya ayon sa dikta ng kanilang mga imperyalistang amo. Hanggang sa ngayon, nagawang biguin ng mamamayan ang mga pagtatangkang ito.

Mga panukala at mayor na amyendang nakasalang sa Kongreso:

HB No. 4421 – Prescribing the order of presidential succession
Resolution of Both Houses (RBH) 1 – Proposing amendments to Section 7, Article VI on Legislative Department; Section 4, Article VII on Executive Department; and Section 8, Article X on Local Government of the 1987 Constitution of the Republic of the Philippines
RBH 2 – Proposing amendments to certain economic provisions of the 1987 Constitution of the Republic of the Philippines, particularly on Articles XII, XIV, and XVI
RBH 3 – Proposing amendments to the 1987 Constitution, particularly Section 9, Article VIII
RBH 4 – Proposing amendments to certain restrictive economic provisions in the 1987 Constitution of the Republic of the Philippines, specifically on Articles XI, XIV, and XVI thereof
RBH 5 – Proposing amendments to certain provisions in the 1987 Constitution of the Republic of the Philippines, specifically on Article VII thereof
House Joint Resolution12 – Calling for a constitutional convention to propose amendments to, or revision of, the 1987 Constitution of the Republic of the Philippines

AB: Cha-cha, iraratsada sa Kongreso ngayong taon