Dagdag na ₱2,000 sa gratuity pay ng mga JO/COS na kawani ng gubyerno, hindi pa rin sapat
Hindi sapat at malayo sa kahingian ng mga kawani ng gubyerno na nakapailalim sa kaayusang Job Order at Contract of Service (JO/COs) ang idinagdag na ₱2,000 sa kanilang gratuity pay ngayong Disyembre. Alinsunod sa Administrative Order 28 (AO28), tatanggap lamang sila ng hanggang ₱7,000. Hindi sinaklaw ng kautusan ang mga JO/COS na nakapailalim sa lokal na mga gubyerno.
Ayon sa Confederation for Unity, Advancement, and Recognition of Government Employees (Courage), “lubhang kapos ang pagtaas na ito sa aming kahingian para sa gratuity pay na katumbas ng isang buwang sweldo.” Pagdidiin ng unyon ng mga kawani, ang kabayarang ito ay isang batayang karapatan para sa lahat ng manggagwang JO/COs na nag-aambag sa mahahalagang gawain ng gubyerno.
Nararapat lamang umanong makatanggap ng patas na kumpensasyon ang halos isang milyong manggagawang JO/COs ng gubyerno na nagsisilbing gulugod ng serbisyong publiko ng administrasyon. “Ang gratuity pay ay hindi lamang simpleng usapin ng pinansyal na kumpensasyon, kundi pagkilala rin sa kanilang mahalagang gampanin at pagbibigay halaga sa kanilang kagalingan,” ayon kay Manuel Baclagon, pangkalahatang kalihim ng Courage.
Sang-ayon sa kautusan, tanging mga kawani ng pambansang gubyerno, state university at mga malalaking korporasyon at kumpanyang pinatatakbo ng gubyerno ang makatatanggap ng gratuity pay. Samantala, nakaasa sa awa ng lokal na gubyerno (LGU) ang pagbibigay ng katulad na kumpensasyon sa mga kawani sa kanilang antas.
Binatikos din ng Alliance of Concerned Teachers (ACT) ang AO28 na tinawag nitong “hindi makatarungan” dahil hindi nito sinaklaw ang gratuity pay ng mga JO/COS na nasa LGU. “Pinaglilingkuran din nila ang mamamayan, dapat makatanggap rin sila ng benepisyong ito. Hinihimok namin ang administrasyon na ibigay ang benepisyong ito anupaman ang kanilang istatus,” ayon pa sa ACT.
Binigyang diin ng Courage na habang kinikila nilang bunga ng walang tigil na paggigiit ng mga kawani ang pagtataas ng gratuity pay, nananatili ang kanilang malakas na panawagan para ibasura ng gubyerno ang sistemang JO/COs. Nagbabala rin ang grupo na dapat hindi ito maging balakid sa ultimong layunin na tuluyang ibasura ang kontraktwalisasyon.
“Dapat kaagad magpasa ng batas para isulong ang regularisasyon ng mga JO/COs sa buong bansa,” pahayag ni Baclagon. Aniya, titiyakin ng regularisasyon hindi lamang ang pagbibigay ng patas na kumpensasyon at benepisyo kundi maging ang katiyakan sa trabaho, mas mataas na moral at sa kahulihan ay magbubunga ng mas epektibong serbisyo publiko.
Mayroong humigit-kumulang 832,812 manggagawang JOCOS sa gubyerno, ayon sa mga ulat noong 2023. Binubuo nila ang halos 29.68% ng kabuuang lakas-paggawa ng burukrasya sibil. Lima sa pangunahing mga ahensyang may pinakamaraming manggagawang JOCOS ang Department of Public Works and Highways (29,275 manggagawa), Department of Health (18,264), Department of Education (15,143), Department of Social Welfare and Development (13,770) at Department of Environment and Natural Resources (10,990).