Dagdag-sahod, pagtatanggol sa karapatan, sigaw ng LGBT+

Kasabay ng protestang pride o pagtatampok sa karapatan ng mga LGBT+ (lesbyana, bakla, bisekswal at transgender) noong Hunyo 24, itinampok ng grupong Bahaghari ang panawagan para sa dagdag-sahod, pagsuporta sa panukalang SOGIE, pambansang soberanya at karapatang-tao. Ayon sa grupo, sila ay nagsusulong ng ‘ACCLASan’ (sanib ng mga salitang “accla” na ibig sabihin ay bakla at aklas) para sa mga karapatang dapat tinatamasa ng LGBT at mamamayang Pilipino.

Nakiisa ang Bahaghari sa pagmartsa ng ilampung libong LGBT+ at kanilang mga alyado sa Metro Manila Pride 2023 sa Makati City at hiwalay pang pagtitipon sa Quezon City. Samantala, pinangunahan ng grupo ang pagkilos sa Southern Tagalog Pride, Metro Baguio Pride, at Central Luzon Pride.

Higit 500 ang lumahok sa martsa ng Metro-Baguio Pride mula Session Road tungong Igorot Park noong Hunyo 24. Napuno ang protesta ng makukulay na bandila at ng bahaghari, mga pagtatanghal na “drag” at iba pang kultural na pagtatanghal. Naglunsad din sila ng Pride Fair sa Igorot Park mula Hunyo 21 hanggang Hunyo 23.

Inalala ng Bahaghari sa araw na iyon ang kauna-unahang Pride March sa Pilipinas na inilunsad ng Pro-gay, isang pambansa-demokratikong organisasyon ng mga bakla, noong 1996. Ang martsang ito ay kauna-unahan din sa buong Southeast Asia.

Sa Laguna, nagtipon ang daan-daang delegasyon ng iba’t ibang sektor mula sa Southern Tagalog sa kampus ng University of the Philippines Los Baños bilang selebrasyon ng Pride Month. Nagkaroon din ng malaking pagtitipon sa Angeles City, Pampanga. Katulad na mga pagkilos ang inilunsad ng iba’t ibang grupo sa Biñan sa Laguna, at Cebu City. Nagkaroon din ng aktibidad sa Dumaguete City at Mandaue City noong Hunyo 25.

“Ano bang ibig sabihin ng pagiging Pilipinong LGBTQ+ sa panahon ngayon? Ito ay ang humarap sa bagong administrasyong Marcos na malinaw na malinaw na kontra-LGBT, kontra-Pilipino, at makadayuhan,” pahayag ni Reyna Valmores, tagapangulo ng Bahaghari.

“Dagdag pa sa lahat ng ito ay ang araw-araw na diskriminasyon at karahasang nakabatay sa kasarian na kinakaharap natin kung saan walang kibo ang admiistrasyon,” ayon pa kay Valmores.

Giit niya, “kaya ngayong Pride, dapat lang lumaban tayo. Dapat lang mag-ACCLASAN tayo para sa kongkretong tugon sa mga problema ng LGBT: dagdag-sahod, SOGIE bill, soberanya, at karapatang pantao.”

Anila, labis na nakadidismaya ang pagbimbin sa SOGIE Equality Bill sa senado habang umalagwa ang Maharlika Investment Fund. Giit ng Bahaghari na isang malinaw na paglapastangan ito sa nalalabing demokratikong mga proseso sa bansa.

“Ipagpatuloy natin ang ating mga panawagahan habang papalapit ang ikalawang State of the Nation Address ng administrasyong Marcos,” hamon ni Valmores sa mga LGBT+.

AB: Dagdag-sahod, pagtatanggol sa karapatan, sigaw ng LGBT+