Balita

Dambuhalang kita ng Meralco, binatikos ng kababaihan

,

Binatikos ng grupong Gabriela ang dambuhalang kita na ₱25.5 bilyon ng kumpanyang Manila Electric Company (Meralco) sa unang kalahati ng 2025. Ayon sa mga ulat, maaari pa itong umabot hanggang ₱50 bilyon sa katapusan ng taon. Ito ay sa gitna ng milyun-milyong pamilyang nagugutom at hirap sa umagapay sa nagtataasang presyo ng bilihin at serbisyo, kabilang ang kuryente.

“Ang kita ng Meralco sa unang anim na buwan ay katumbas ng humigit-kumulang ₱1,000 mula sa kada pamilyang Pilipino, habang ang nakahihindik na sobra-sobrang kita ng kumpanya ay nagmula sa pawis at gutom ng kababaihan at ng kanilang pamilya,” pahayag ni Clarice Palce, pangkalahatang kalihim ng Gabriela.

Naging posible ang malaking kita ng kumpanya dahil sa pagtanggi ng rehimeng US-Marcos na tanggalin ang 12% na value added tax (VAT) sa kuryente. “Sa halip na protektahan ang mga nakaasa sa serbisyo sa kuryente, pinoprotektahan ng estado ang may-ari ng Meralco, ang kumpanya ni Manny Pangilinan, sa pamamagitan ng pagpapanatili ng VAT at pagpasa ng mga malalaking bayarin sa mga konsyumer,” paliwanag ni Palce.

“Hinahamon namin ang kongreso: magsulong ng panukalang batas para sa ₱1,200 na nakabubuhay na sahod, tanggalin ang VAT sa kuryente sa loob ng unang 100 araw sa pagsisimula ng sesyon o harapin ninyo ang mas malaking protesta sa kalsad” pahayag ng grupo.

Kinukundena rin ng grupo ang nagbabadya na pagtaas sa singil sa kuryente para sa mga susunod na buwan. Nitong Hulyo, itinaas ang singil nang ₱0.4883 kada kilowatt-hour (kWh), kaya umabot sa ₱12.6435 kada kWh ang kabuuang singil mula sa ₱12.1552 noong Hunyo. Sa karaniwang bahay na nagkokonsumo ng 200kWh, aabot sa ₱98 ang dagdag sa buwanang singil.

“Habang nagdiriwang ang Meralco sa bilyong kita nito, napipilitan ang mga kababaihan na pumili sa pagitan ng bigas o ilaw. Hindi kami papayag sa monopolyong kapitalista na magdiwang sa aming kagutuman!” pahayag ni Palce.

AB: Dambuhalang kita ng Meralco, binatikos ng kababaihan