Balita

Di makatarungang hatol sa mamamahayag, taong-simbahan sa kasong “terror financing,” malawakang kinundena

Mariing kinundena ng mga grupo ng mamamahayag sa loob at labas ng bansa, gayundin ng mga taong-simbahan, akademiko at mga grupong progresibo ang hatol na maysala kina Frenchie Mae Cumpio at Marielle Domequil sa kasong “terror financing.” Hinatulan ang dalawa noong Enero 22 ng 12 hanggang 18 taong pagkakabilanggo. Pinagmulta rin sila ng P500,000 kada isa.

Ang hatol ay ipinataw ni Judge Georgina Perez ng Regional Trial Court (RTC) Branch 45 sa Tacloban City. Nakatakdang ilipat sina Cumpio at Domequil sa correctional facilty para sa kababaihan sa Mandaluyong City. Naghahanda ang kanilang mga abugado na maghapag ng motion for reconsideration at para sa pyansa. Naghahanda rin silang iapela ang di makatarungang hatol sa Court of Appeals.

Kasabay nito, inabswelto sina Cumpio at Domequil sa hiwalay na kasong illegal possession of firearms and explosive. Si Cumpio ay isang mamamahayag at executive director ng Eastern Vista at kontribyutor ng Alermidya, habang si Domequil ay istap ng Rural Missionaries of the Philippines.

“Nakakagalit ang malinaw na inhustisya sa desisyon ng korte sa gitna ng naghuhumiyaw na ebidensya na ang mga kasong isinampa laban kina Frenchie Mae, Marielle Domequil, at iba pa sa Tacloban 5 ay lahat gawa-gawa,” pahayag ng Altermidya sa araw ng pagbaba ng hatol.

Tinawag ng grupo ang hatol bilang “miscarriage of justice” (kabiguan ng hustisya) at “seryosong banta” sa dati nang kalunus-lunos na kalagayan ng kalayaan sa pamamahayag at pagpapahayag sa Pilipinas.

Anito, ipinakikita ng hatol ang pagdodoble-kara ng rehimeng Marcos na paulit-ulit na nangangakong magtataguyod ng kalayaan sa pamamahayag, habang patuloy na ginagamit ang batas laban sa mga mamamahayag at iba pang boses ng pagtutol.

“Ginawang lehitimo ng desisyon ang paggamit, abuso at maling paggamit ng mga batas kontra-terorismo laban sa mga sibilyan,” pahayag ni Cristina Palabay, pangkalatahang kalihim ng Karapatan.

Internasyunal na kundenasyon

Tinawag ng Committee to Protect Journalists (CPJ) ang hatol bilang “kakatwa” at binatikos si Ferdinand Marcos Jr para sa kanyang “hungkag na mga pangako” kaugnay sa kalayaan sa pamamahayag.

“Kailangang palayain ng Pilipinas si Frenchie Mae Cumpio nang walang kundisyon at itigil ang pagkriminalisa sa mga mamamahayag,” ayon kay Beh Lih Yi, CPJ Asia-Pacific Director. Malagim ang desisyong hatulan si Cumpio dahil siya ang kauna-unahang mamamahayag na hinatulan ng finance terrorism sa buong mundo. Hindi malayong gagamitin ito sa mga mamamahayag sa ibang mga bansa.

Dumayo sa Tacloban si Lih Yi para dumalo sa promulgasyon ng mga desisyon noong Enero 22. Kasama siya sa iba pang mamamahayag mula sa National Union of Journalists of the Philippines, AlterMidya, Reporters Without Borders (RSF), at Free Press Unlimited (FPU). Binubuo nila ang Media Freedom Coalition (MFC) na matagal nang nananawagan para sa pagpapalaya kay Cumpio.

“Ang pagsentensya kay Frenchie Mae Cumpio ay isang matingkad na pagpapakita na pagbalewala ng mga awtoridad sa pinakabatayang mga karapatan ng mga mamamahayag,” saad ng MFC sa isang pahayag noong Enero 22. “Bilang isang internasyunal na koalisyon ng mga NGO, patuloy kaming maninindigan para makamit ang kanyang paglaya.”

Mga protesta

Sa araw ng promulgasyon, naglulunsad ng protesta ang mga organisasyon ng mamamahayag, mga nagtatanggol sa karapatang-tao at taong simbahan sa harap ng RTC sa Tacloban City. Sa gabi bago nito, nagkaroon ng candle-lighting sa harap ng simbahan ng Redemptorist sa syudad para igiit ang pagwawalang-sala sa Tacloban 5.

Sa Quezon City, nagkaroon ng protesta sa harap ng Commission on Human Rights noong Enero 22 para tutulan ang di makatarungang hatol. Isang araw bago nito, nagpunta ang mga progresibong grupo sa Department of Justice para igiit ang agad na pagpapalaya kina Cumpio, Domequil at Chakoy Abinguena.

“Nakakadurog ng puso, nakakagalit pero ipagpapatuloy namin ang laban. Ipagpapatuloy namin ang pagsisilbi sa mahihirap,” pahayag naman ni Kyle Domequil, kapatid ni Marielle.

“Patuloy tayo sa paglaban para sa katotohanan,” pahayag nina Cumpio at Domequil pagkatapos basahin ang hatol sa kanila.

AB: Di makatarungang hatol sa mamamahayag, taong-simbahan sa kasong “terror financing,” malawakang kinundena