DOH, pinananagot sa nag-expire na mga bakuna at gamot
Mariing kinundena ni Nurse Alyn Andamo, pangkalahatang kalihim ng Filipino Nursed United at kandidato pagkasenador ng Makabayan, ang Department of Health sa kapalpakan nito kaugnay sa nabunyag na ₱11-bilyong halaga ng mga expired na mga gamot at bakuna.
“Ang sobrang kapalpakan ng DOH ay isang malaking pag-aaksaya ng pondo ng bayan habang napakaraming mga maysakit at namamatay dahil sa kakulangan at mahal na presyo ng mga gamot,” aniya.
Sa ulat ng Commission on Audit noog Disyembre 3, inabutan ng expiration ang naturang gamot, kabilang ang 7,035,161 vials (maliit na botelya) ng bakuna sa COVID-19 na hindi nagamit noong 2023 at 24,539 bag ng dialysis solution. Ang mga ito ay nakatambak sa DOH warehouses at pasilidad pangkalusugan.
Pagdadahilan ng DoH, na-expire ang mga bakuna dahil tumanggi ang mga senior citizen ng magpabakuna ng booster shot at ang karamihan sa mga bakuna ay may bisa lamang na isa at kalahating taon. Ayaw din daw itong tanggapin ng mga lokal na gubyerno dahil walang cold storage room na paglalagkan.
“Kailangang managot ang DOH sa mamamayan sa pag-aaksaya ng pondo ng bayan,” ayon kay Andamo. Pinaalala niya na noong 2022, mayroon ding mga nasayang na gamot na nagkakahalaga ng ₱7.43 bilyon dahil sa kapalpakan ng DoH.
Nangyayari ang ito habang kumakaunti ang mga gamot na libre sa mga pampublikong pasilidad, aniya.
“Lubhang napakamahal ng mga gamot sa bansa dahil walang pambansang industriya ng parmasyutiko at dahil na rin ginagawang negosyo ang kalusugan ng pamahalaan kasama ang mga korporasyon,” ani Andamo.