Dumaraming kaso ng sekswal na pang-aabuso sa mga migranteng manggagawa sa Taiwan, kinundena
Kinundena ng Migrante Taiwan, katuwang ang Serve the People Associatio-Taoyuan at National Domestic Workers Union, ang dumaraming kaso ng sekswal na pang-aabuso sa mga migranteng manggagawa sa Taiwan.
Ayon sa datos ng estado, umabot na sa 169 na migranteng manggagawa ang biktima ng panggagahasa noong nakaraang taon. Sa 77 na nagpahayag ng kanilang nasyunalidad, 25 sa mga biktima ay mula sa Indonesia, 22 mula sa Pilpinas, 21 mula sa Vietnam, tatlo mula sa Thailand at isa mula Malaysia. Lima ang mula sa di tinukoy na mga bansa. Nasa 31 ay nagtatrababaho bilang domestic helper (DH), habang 23 ay nagtatrabaho sa pagawaan.
Batay sa pag-aaral ng Serve the People Association sa taong 2023, 16% sa mga migranteng manggagawa ay nakaranas ng karahasan laban sa kababaihan, apat na ulit na mas mataas kumpara sa ordinaryong manggagawa sa bansa. Mula dito, 60% sa mga biktima na migrante ay maraming beses ding nakaranas ng sekwal na pang-aabuso.
Ang mga migranteng manggagawa, laluna ang mga nagtatrabaho bilang caregiver at DH, ay nahaharap sa mas mataas na risgo na makaranas ng sekswal na panghaharas at panggagahasa sa bahay ng kanilang amo. Marami din sa kanila, ang ilang-ulit nang nakaranas ng pang-aabuso, ay hindi nagrereklamo sa awtoridad. Pinapatunayan nito na mas marami pa ang kaso ng sekswal na pang-aabuso kaysa sa naka-ulat sa mga istatistika.
Sa kabila ng pagmamayabang ng gubyerno ng Taiwan umiiral ang demokratikong kalayaan sa bansa, pinagkakaitan nito ng batayang karapatan ang mga migranteng manggagawa. Ang mga caregiver o migranteng nag-aalaga ng matatanda ay hindi kabilang sa pinoprotektahan ng Labor Standards Act. Hindi rin nabibigyan ng nararapat na pahinga ang mga DH at sapilitang pinagtatrabaho ng halos buong araw at buong linggo, paliwanag ng mga grupo.
“Dapat tuparin ni Kuo-Tsai Jung ng Ministry of Health and Welfare at ng gubyerno ng Taiwan sa kanilang sinasabing tindig na “zero tolerance” o walang pagpaparaya sa panggagahasa at iba pang porma ng sekswal na pang-aabuso. Dapat nitong tiyakin na hindi ito manatiling isang islogan at gumawa ng konkretong aksyon. Ang mga migranteng manggagawa ay dapat ligtas sa anumang porma ng pang-aabuso at ligtas na mamuhay sa bansa,” pahayag ng mga grupo.