Grupo ng kababaihang magsasaka, di bilib sa mga pahayag ni Marcos sa liberalisasyon at presyo ng bilihan ng bigas

,

Tinawag ng grupo ng kababaihang magsasaka na Amihan na “hindi kapuri-puri” ang desisyon ni Ferdinand Marcos Jr na tanggihan ang rekomendasyon ng mga upisyal ng estado na ibaba kundiman tanggalin ang taripa sa imported na bigas.

“Hindi kapuri-puri si Marcos Jr dahil ang nagtulak ng zero tariff ay mga appointees n’ya, alter-ego niya sa mga ahensya,” ayon sa Amihan sa pahayag noong Setyembre 27. Isang linggo bago nito, nagbigkis ang 26 samahan ng mga magsasaka para ipanawagan na patalsikin sa pwesto sina NEDA chief Arsenio Balisacan at kalihim ng pinansya na si Benjamin Diokno, ang dalawang upisyal ng estado na nagrekomenda nito.

Ayon sa Amihan, dapat pa ngang isama si Marcos sa mga sisingilin sa mga kontra-magsasaka at neoliberal na patakaran ng estado sa agrikultura, kabilang ang Rice Liberalization Law na nagsisilbing balangkas ng pagpapababa at sa kalauna’y pagtatanggal sa taripikasyon.

“Hindi niya tinutulan ang pagpapababa ng taripa, sabi lang niya ay wala ito sa tamang panahon (timing),” pahayag ng grupo.

Hindi rin bilib ang Amihan sa utos ni Marcos na itaas ng National Food Authority ang buying price o bilihan ng palay tungong P24 kada kilo.

“Yung pagtaas ng NFA buying price, walang epekto (yan dahil) ang bolyum na mabibili n’yan at walang magiging impact sa anihan sa Oktubre.”

AB: Grupo ng kababaihang magsasaka, di bilib sa mga pahayag ni Marcos sa liberalisasyon at presyo ng bilihan ng bigas