Balita

Grupo ng mangingisda, nagbabala sa "makaisang panig" na WPS Bloc ng Akbayan Party-list

, ,

Nagbabala ang grupong Pambansang Lakas ng Kilusang Mamamalakaya ng Pilipinas (Pamalakaya) sa Akbayan Party-list sa anunsyo nitong magtatayo ng isang “West Philippine Sea (WPS) bloc,” malinaw na kontra-China lamang, sa House of Representatives sa ika-20 Kongreso. Anang mga mangingisda, ang plano ay “maka-isang panig at bigong kilalanin ang mapanganib na gampanin ng United States sa sigalot sa teritoryo [sa WPS].”

Noong Mayo 22, inianunsyo ni Akbayan Rep. Perci Cendaña ang plano ng partido na tipunin ang mga “patriyotiko at maka-WPS na mga mambabatas para protektahan ang mga karagatan at karapatan at kagalingan ng mga mangingisda at mga maritime frontliner.” Layunin umano nitong magkaisa kontra sa panghihimasok ng Chian sa WPS.

“Bagamat sang-ayon kami na may patuloy na pangangailangan na palakasin ang kamalayan tungkol sa sitwasyon sa West Philippine Sea, pinagdududahan namin ang tunay na layunin ng Akbayan sa kanilang plano na bumuo ng West Philippine Sea bloc, dahil matindi ang aming hinala na pabor ang Akbayan sa panig ng US, na tumatangging kilalanin na ang mismong US ang malinaw at kasalukuyang panganib sa ating soberanya at pambansang seguridad,” pahayag ni Ronnel Arambulo, pangalawang tagapangulo ng Pamalakaya at tumakbo sa pagkasenador sa ilalim ng Koalisyong Makabayan.

Pinaalalahanan ng lider-mangingisda ang mga kinatawan ng Akbayan na hindi naiiba ang US sa China pagdating sa panghihimasok sa kabuhayan ng mga mangingisdang Pilipino sa ating teritoryal na mga pangisdaa.

Sa ilang pagkakataon, natataboy ng malalaking barko ng China ang mga karaniwang mangingisdang Pilipino mula sa mga karagatang saklaw ng exclusive economic zone (EEZ) at tradisyunal na pangisdaan dahilan ng pagkawala ng kanilang kabuhayan. Gayundin, taun-taon at pamalagiang nadidiskaril ng mga war games ng US ang kabuhayan ng mga mangingisda hindi lamang sa bahagi ng WPS kundi maging sa karagatan sa silangan ng Pilipinas.

Halimbawa nito ang pagpapataw ng ilang araw na mga “no-sail zone” sa Cagayan, Aurora, Zambales at iba pang mga prubinsya sa Pilipinas sa kasagsagan ng Balikatan 40-25 war games noong Abril 21 hanggang Mayo 9. Kalunus-lunos ang sinapit ng libu-libong mangingisda at kawalan ng sapat na kumpensasyon sa kanilang nawalang kita, sa mga aktibidad na inaprubahan mismo ng rehimeng Marcos.

“Dapat kundenahin ang China dahil sa paglabag sa isang partikular na batas pandagat dahil sa hindi paggalang sa ating exclusive economic zone. Ngunit ang ating makabayang pagsisikap ay dapat ding iturol laban sa US na may mahabang kasaysayan ng mga interbensyong militar at digmaang agresyon laban sa atin at sa iba pang mga bansa,” ayon pa kay Arambulo.

Dati nang mabuway at hindi malinaw ang pusisyon ng Akbayan Party-list sa usapin ng panghihimasok militar ng US sa Pilipinas. Habang naglabas ito ng pahayag noong 2014 at 2015 laban sa pagpasok ng Pilipinas sa lubhang tagibang pabor sa US na Enhanced Defense Cooperation Agreement (EDCA), wala itong naging pahayag ng pagtutol sa karagdagang mga EDCA site na inaprubahan ng rehimeng Marcos o di kaya sa pagtatambak ng US ng mga armas pandigma sa teritoryo ng Pilipinas tulad ng Typhon Missile System at NMESIS (Navy Marine Expeditionary Ship Interdiction System) at tumitinding interbensyong militar ng US sa bansa at buong Asia-Pacific.

Samantala, sa Mayo 26 hanggang Mayo 30 ay nakatakdang pangunahan ng Akbayan sa pamamagitan ng Atin Ito Coalition ang “ikatlong misyon” sa West Philippine Sea bilang bahagi ng sinasabing pagtataguyod sa soberanong karapatan ng Pilipinas dito. Magsasagawa ang koalisyon ng isang konsyerto sa dagat para sa “kapayapaan” na isasagawa sa saklaw ng Pag-asa Island kung saan lalahok ang mga artista at mang-aawit mula sa mga bansa sa ASEAN.

Katuwang at suportado sila ng mga pwersa ng estado ng rehimeng Marcos bilang “sibilyang katapat” sa usapin ng “pagtatanggol sa WPS.” Ayon sa isa sa mga convenor ng koalisyon at presidente ng Akbayan na si Rafaela “Paeng” David, “jindi kami maglalayag gamit ang mga barkong pandigma, kundi gamit ang mga awitin; hindi sa pamamagitan ng pagkapoot, kundi sa pagkakaisa at pagtutulungan.”

Taliwas ito sa tahasang pagsuporta ng tagabandera ng Akbayan Party-list na si Sen. Risa Hontiveros sa inilunsad na mga Maritime Cooperative Activity (MCA) ng mga sudalo at barkong pandigma ng Pilipinas, US, Australia, at Japan sa WPS sa nagdaang mga buwan. Kinundena ng mga patriyotiko at progresibong grupo ang MCA bilang instrumento ng US sa panghihimasok militar at tahasang pagyurak nito sa soberanya ng Pilipinas.

Liban pa, suportado rin ni Sen. Hontiveros ang pinasok ng Pilipinas at Japan na Reciprocal Access Agreement (RAA), na inareglo ng US. Pahihintulutan nito ang pagpasok ng tropa at armas ng Japan sa Pilipinas batay sa “kasunduan.”

AB: Grupo ng mangingisda, nagbabala sa "makaisang panig" na WPS Bloc ng Akbayan Party-list