Grupong pangkaunlaran sa Negros Island, muling dumanas ng atake mula sa estado
Magkakasunod na kaso ng pag-atake at paglabag sa karapatang-tao ang dinanas ng mga tauhan ng grupong pangkaunlaran sa Negros Island na Paghidaet sa Kauswagan Development Group (PDG) Inc sa nagdaang mga linggo. Kinundena ng PDG Inc at Human Rights Advocates Negros (HRAN) ang mga atakeng ito ng rehimeng Marcos.
Noong Enero 18, tinangka ng mga pwersa ng 15th IB na dukutin si Joselito Macapobre, isang manggagawang pangkaunlaran PDG Inc at katulong ng mga magsasaka sa paglaban sa Hacienda Asia Plantation Inc (HAPI). Ayon sa ulat, bumabyahe sakay ng motorsiklo si Macapobre sa Barangay Caningay, Candoni nang bigla siyang hinarang ng isang itim na sasakyan.
Nakatakas si Macapobre at nakatakbo sa malapit na kabahayan at humingi ng tulong sa mga residente. Bago ang insidente, ilang ulit nang pinuntahan ng mga sundalo ng 15th IB ang biktima sa kanyang bahay at inakusahan na rekruter ng Bagong Hukbong Bayan (BHB).
Samantala, naiulat rin ang pananakot ng mga sundalo kay Analyn Merano, isa pang myembro ng PDG Inc noong Enero 16 at 17. Nakatanggap ng mensahe sa selpon si Merano mula sa nagpakilalang myembro ng National Intelligence Coordinating Agency (NICA) at binantaang sasaktan kung hindi “makikipagtulungan” sa ahensya.
Pinaratangan siyang nagtatrabaho sa “isang organisasyon na may ugnayan sa BHB.” Inalok siya ng sahod ng ₱30,000 kada buwan at garantiya na magiging ligtas siya at kanyang pamilya kung “makikipagtulungan” siya sa militar.
Ayon sa PDG Inc, ang dalawang biktima ay aktibong katuwang ng mahihirap na magsasaka, katutubong mamamayan, at kaisa ng mamamayan sa pagtatanggol sa kalikasan. “Ang mga insidente [laban sa kanila] ay bumubuo ng malalalang paglabag sa karapatang-tao at nagbabanta sa kaligtasan, kabuhayan, at demokratikong pakikilahok ng mga pamayanang nasa kanayunan,” pahayag ng grupo.
Bago nila, ilang tauhan na ng PDG Inc ang inaresto sa kasong paglabag sa “terrorism financing” sa ilalim ng rehiemng Marcos. Kabilang dito sina Perla Pavillar, Federico Salvilla, at mga dating tauhan na sina Felipe Levy Gelle Jr at Clarissa Ramos.
Maliban sa kanila, inatake rin ng militar ang mga lider-masa at myembro ng mga organisasyong katuwang at tinutulungan ng PDG Inc. Nagaganap ang mga paglabag sa karapatang-tao na ito sa kalagitnaan ng mga operasyong kombat at Retooled Community Support Program (RCSP) ng militar sa mga komunidad.
Ilan sa mga kasong ito ang pananakot at pamimilit sa isang myembro ng lokal na samahang magasasaka. Pinilit siya ng militar na manmanan ang mga aktibidad ng PDG Inc at sa partikular, tauhan nitong si Merano.
Kinundena ng HRAN ang karahasang militar at militarisasyon ng mga komunidad ng mga magsasaka. Nanawagan din ang grupo sa mamamayan na ipaglaban ang karapatang-tao at kundenahin ang mga panunupil at panggigipit ng militar, kabilang na ang kalayaan sa asosasyon.