Balita

Ika-5 taong anibersaryo ng Tumandok Massacre, ginunita ng mga grupo ng katutubo, tagapagtanggol ng karapatang-tao

,

Nagtipon at nagtirik ng kandila sa Quezon City ang mga myembro ng progresibong grupo noong Disyembre 30 para gunitain ang ikalimang anibersaryo ng Tumandok Massacre. Sa pangunguna ng Katribu Kalipunan ng Katutubong Mamamayan ng Pilipinas, nanawagan sila ng hustisya para sa mga pinaslang na lider-Tumandok sa Capiz at Iloilo noong Disyembre 30, 2020.

Ang naturang masaker ay isinagawa ng mga pulis at militar laban sa mga lider-Tumandok at magsasaka na lumalaban sa pagpasok ng mapangwasak na proyektong Jalaur Mega Dam sa Panay. Liban sa masaker, isinagawa rin sa araw na iyon ang pag-aresto sa 16 na iba pang lider-masa.

Isinagawa ang koordinadong operasyon ng mga pwersa ng estado sa balangkas ng noo’y Synchronized Enhanced Management of Police Operations (SEMPO). Itinuturong nasa likod nito ang noo’y Philippine National Police (PNP) Regional Director Debold Sinas at si dating PNP Chief Ronald “Bato” dela Rosa. Para bigyang katwiran ang pagpaslang at maramihang pag-aresto, pinalabas ng PNP at militar na mga kasapi ng Bagong Hukbong Bayan (BHB) ang kanilang mga biktima.

Kinundena rin ng mga grupo ng katutubo at tagapagtanggol ng karapatang-tao ang National Commission on Indigenous Peoples (NCIP) at ang National Task Force-Elcac sa kanilang pagkakasangkot sa krimen. Anila, sa halip na ipagtanggol ng NCIP ang mga katutubo at kanilang karapatan ay nagbigay-daan pa sa Red-tagging at militarisasyon ng mga katutubong komunidad.

Ang Disyembre 30 ay idineklara rin ng mga grupo at ng mga Tumandok bilang Tumandok Day. “Ang Tumandok Day ay kolektibong pahayag na ang mamamayan ay hindi mapapatahimik at mapapaalis sa kanilang lupang ninuno,” pahayag ni Beverly Longid ng Katribu. Dagdag niya, sa harap ng panunupil ay patuloy ang pakikibaka ng mga Tumandok at buong Katutubong mamamayan sa bansa para sa lupa, buhay, at sariling pagpapasya.

Sa Iloilo City, isang aktibidad ng pag-alala rin ang inilunsad ng mga progresibong grupo sa araw na iyon sa St. Clements Church. Ipinalabas rin ang isang dokumentaryo tungkol sa paglaban ng mga komunidad at pamilya ng mga biktima ng Tumandok Massacre sa National Museum of the Philippines-Western Visayas sa Iloilo City noong Disyembre 27. Pinangunahan ng Defend Panay Network ang mga paggunitang ito.

AB: Ika-5 taong anibersaryo ng Tumandok Massacre, ginunita ng mga grupo ng katutubo, tagapagtanggol ng karapatang-tao