Imbestigasyon sa korapsyon ni OWWA admin Arnel Ignacio, panawagan ng Migrante-Hong Kong
Nanawagan ang UNIFIL-Migrante Hong Kong (HK) na agarang imbestigahan ng rehimeng Marcos ang kinassangkutang kaso ng pandarambong sa pera ng mga OFW ni Arnel Ignaciom, dating administrator ng Overseas Workers Welfare Administration (OWWA). Anila “ang pondo ng OWWA ay para sa serbisyo at proteksyon, hindi sa korapsyon. Dapat maglabas ng full audit ang OWWA at ipakita kung saan napupunta ang pondo para sa mga OFW. Dapat maparusahan at makulong ang lahat ng sangkot dito”.
Matatandaang ipinahayag ni Hans Leo Cacdac, kalihim ng Department of Migrant Workers, noong Mayo 16 na tinanggal si Ignacio sa pwesto dahil sa “kawalan ng tiwala at kumpyansa” matapos maanomalya siyang bumili ng lupa na nagkakahalaga ng Php1.4 bilyon. Hindi niya ito ipinaalam sa OWWA Board of Trustees.
Ang lupa na binili noong Setyembre ay para tirahan diumano ng mga migranteng Pilipino. Ayon kay Cacdac, hindi kinailangang bumili ang OWWA ng lupa para rito.
Ayon sa UNIFIL-Migrante HK, hindi ito ang unang pagkakataon na nagsayang ng pondo ng OWWA si Ignacio. Anila, umupa rin si Ignacio ang buong palapag sa isang gusali na nasa teritoryo ng mga Chinesee sa halagang HK$6 milyon upang magsisilbing OFW Global. Sa kabila nito, nanatiling pahirapan ang pagbibigay ng direct assistance sa mga OFW dumaranas ng mga problema.
Maliban sa kaso ng korapsyon, nagpakita rin si Ignacio ng arogansya at kawalan ng interes na tulungan ang mga migrante na humihingi sa ahensya ng tulong.
“Hindi natin nakakalimutan kung paanong minaliit ni dating OWWA Administrator Arnel Ignacio ang mga kahirapang dinaranas ng OFWs sa Hong Kong. Hindi natin nakakalimutan na mas mahalaga ang ‘entertainment’ kay Ignacio kaysa direktang serbisyo sa mga OFWs. Hindi natin nakakalimutan kung paanong sisihin ni Ignacio ang mga OFWs na nalalagay sa peligro at isinusumbat ang tulong na nakukuha mula sa gubyerno.”
“Magsilbing warning din ito sa iba pang mga upisyal ng OWWA at ng DMW na hindi nagseserbisyo nang tama at pansariling interes lamang ang inuuna,” dagdag ng UNIFIL-Migrante HK.