Kaltas-pondo para sa kalusugan, binatikos ng mga manggagawang pangkalusugan
Kabi-kabila ang pagbatikos ng mga manggagawang pangkalusugan sa inilabas na ulat ng bicameral committee ng Senado at House of Representatives noong Disyembre 11 kung saan kinaltasan ang pondo para sa kalusugan sa panukalang badyet sa 2025. Ayon sa mga grupo, malaking dagok at pahirap ito sa mamamayang Pilipino at sa sektor ng kalusugan. Inaasahang pirmahan ni Marcos ang badyet bago magpasko.
Kinaltasan nang halos ₱30 bilyon ang badyet na para sa Department of Health, samantalang mas mababa naman nang ₱861.7 milyon ang inilaan nito para sa mga pampublikong ospital kumpara ngayong taon. Liban dito, buong panukalang badyet na ₱74 bilyon ang tinanggal ng komite sa subsidyo nito sa PhilHealth, pribadong institusyon sa segurong pangkalusugan.
“Ang kalusugan ay isang batayang karapatang-tao na dapat ginagarantiyahan ng estado,” ayon kay Nars Alyn Andamo, pangkalahatang kalihim ng Filipino Nurses United at kandidato pagkasenador ng Koalisyong Makabayan. Sa halip na kaltasan ng pondo, dapat, aniya, pagtuunan ng pansin ng gubyerno ang pagtugon sa sistematikong mga isyu na nagdudulot ng malubhang kalusugan sa bansa.
Ayon pa kay Andamo, malaki ang kasalanan ng kasalukuyang “komersyalisado at pribatisadong sistemang pangkalusugan” na napakamahal ng singil sa mga Pilipino. Sa Pilipinas, umaabot ang “out-of-pocket expenses” sa kalusugan nang halos 45% ng gastos.
“Saksi at kabilang tayong mga health worker sa mga ordinaryong mamamayan na nagdurusa sa kulang, mahal at di-maabot na serbisyong pangkalusugan. Ipinapasa ng pamahalaan sa atin ang responsibilidad nito sa kalusugan,” pahayag ng Health Workers Party-list. Malinaw na manipestasyon nito ang kalakaran ng PhilHealth kung saan nakasalalay sa pribado ang seguro sa kalusugan.
“Nagbabayad na nga tayo ng buwis, nagbabayad pa ng tumataas na premium sa PhilHealth. At kung magkasakit, nagbabayad pa ng gamot at laboratory/procedures na hindi covered ng PhilHealth benefit,” ayon pa sa partido. Kaya naman malaki umano ang magiging epekto ng biglang pagtanggal sa pondo ng PhilHealth sa mga umaasa at nakasalalay dito dahil sa kawalan ng maayos at libreng pampublikong kalusugan.
Sa harap ng mga ito, nagkakaisa ang mga manggagawang pangkalusugan sa panawagang direktang pondohan ng pamahalaan ang pampublikong serbisyong pangkalusugan sa bansa. Anila, dapat tiyakin ang 5% ng gross domestic product (GDP) para sa kalusugan batay sa rekomendasyon ng World Health Organization. Kasabay nito, giit nilang balikatin ng pamahalaan at huwag ipasa sa pribado ang pagtatayo ng kinakailangang pampublikong pagamutan at health centers hanggang sa baryo.
Kinakailangan din umanong dagdagan ang bilang ng mga manggagawang pangkalusugan sa mga ospital at komunidad. “Bigyan ng nakabubuhay na sweldo, sapat na benepisyo, regular na trabaho ang mga health workers para mahikayat na manatili at maglingkod sa bayan,” ayon sa Health Workers Party-list.