Kasong “terrorism financing” laban sa kapatid ng biktima ng Bloody Sunday Massacre, ibinasura ng korte
Ikinalulugod ng Defend Southern Tagalog ang pagbasura ng Regional Trial Court sa Batangas City sa gawa-gawang kasong terrorism financing laban kay Alaiza Marie Lemita noong Disyembre 26. Ayon sa desisyon ng korte, walang ebidensyang maiharap ang AFP na magpapatotoo sa akusasyon nito laban kay Lemita.
“Ang pagbasura ng kaso ay nagpapatunay na umpisa pa lamang, walang krimeng naganap,” pahayag ni Charm Maranan, tagapagsalita ng Defend Southern Tagalog. Malinaw na pag-uusig lamang ang kaso, aniya. “Ang mga kasinungalingan ay hindi nagiging katotohanan kahit isinumite pa ito sa korte.”
Si Lemita ay inakusahan ng AFP na nagbigay ng dalawang sako ng lutong bigas, adobong baboy, at Php 50,000 sa mga nakaligtas na myembro ng BHB noong Marso 10, 2017 sa Barangay Banilad, Nasugbu, Batangas. Kapatid siya ni Chai Lemita-Evangelista, isa sa mga pinaslang sa madugong operasyong “Bloody Sunday Massacre” sa Southern Tagalog noong 2021.
Matapos ang malagim na masaker, naharap ang pamilyang Lemita sa walang tigil na pananakot, surbeylans, panggigipit at gawa-gawang kaso mula sa AFP dahil sa paghahanap nila ng hustisa para kay Chai.
“Hindi pa ba sapat ang kinuha nila sa amin? Nawalan na kami ng anak, ng kapatid. Habang nagluluksa kami, imbes na hustisya, panibagong kaso ang ipinataw nila sa aming pamilya,” pahayag ni Rosenda Lemita, ina nina Chai at Alaiza.
“Ilang aktibista pa ba ang kailangang magdusa dahil sa mga gawa-gawang kaso bago aminin ng estado ang pang-aabuso nito sa kapangyarihan? Ibinasura ang kaso ni Alaiza, ngunit marami pa rin ang nakapiit sa parehong makinarya ng panunupil,” paliwanag ni Maranan.
Nananawagan ang Defend Southern Tagalog para sa agarang pagbabasura sa lahat ng gawa-gawang kaso laban sa mga aktibista at pagwakas sa red-tagging at pampulitikal na panunupil. Nananawagan din ang grupo para sa tunay na hustisya para sa lahat ng biktima ng paglabag sa karapatang-tao.