Kawalang paghahanda at mahihinang imprastruktura sa Bicol, nalantad sa paghambalos ng Bagyong Kristine
Sa ikalawang araw pa lamang ng walang awat na bagyo at pag-ulan, inianunsyo na ng Regional Disaster Risk and Reduction Management Council (RDRRMC) ng Bicol na ititigil na nito ang mga pagsisikap sa reskyu dahil hindi na kaya ng gamit at tauhan nito ang lawak at tindi ng pinsalang idinulot ng bagyo. Sa kabila ng ilang taon nang pag-iral ng konseho, nabunyag na hindi handa at wala itong ipinwestong mga kagamitan at ayuda para kagyat na masaklolohan ang mga lugar na nalubog sa baha.
Tumama ang Bagyong Kristine sa bansa noong Oktubre 21, at isa sa pinakauminda ng pinsala nito ang mga prubinsya sa Bicol. Nagdala ito ng ulan na may daming higit 500 millimeters sa loob ng unang 24 oras, pinakamataas sa kasaysayan ng Albay sa nakaraang 55 taon. Mahigit 77,00 pamilya o halos 400,000 indibidwal ang napilitang lumikas sa rehiyon at kinailangang ideklara ang state of calamity sa Albay.
Tinatayang 1,000 bahay, karamihan sa Bicol, ang nasira sa pangalawang araw ng bagyo. Nasa 300 kalsada at mga tulay ang di madaanan dahil sa baha, landslide o natumbang mga kahoy. Ang kalagayang ito at ang dami ng mga humihingi ng saklolo ang idinahilan ng RDRRMC-Bicol kung bakit hindi nito nagawang ituluy-tuloy ang mga rescue effort ng ahensya.
Sa harap ng kapalpakang ito, nanawagan ang Bikol Movement for Disaster Response (BMDR) sa mamamayan sa rehiyon na lalupang palakasin ang pagkilos ng masa para tugunan ang kanilang kapakanan.
“Inilantad ng KristinePH ang bulnerabilidad ng mga Bicolano sa panahon ng mga kalamidad na humamon sa pagtulong ng gubyerno at nagpabagsak nito,” ayon sa grupo. “Kailangan nating palakasin ang ating kolektibong pagsisikap para tulugan ang kapwa nating Bicolano.”
Noong Linggo, Oktubre 27, nananatiling maraming lugar sa rehiyon ang lubog sa baha at pahirapan pa rin ang distribusyon ng tulong sa ibang erya.
“Inilatad ng malawakang baha, landslide at erosyon ang realidad ng substandard na mga tulay, kawalan ng imprastruktura para sa pagbaha, walang awat na pagkalbo sa gubat at mga operasyon sa pagkakwari at pagmimina,” ayon sa grupo. Panawagan nito sa lokal na mga gubyerno na agad na magpadala ng tulong sa mga komunidad dahil sila ang may pangunahing tungkulin nito, at hindi ang mga NGO (non-government organization).
Kasalukuyang nagsasagawa ng pagtatasa sa pinsala at pangangailangan ng mga komunidad sa Albay, Sorsogon at Camarines Sur ang BMDR. Naghatid din ang mga myembro nito ng pagkain sa mga binahang komunidad.