Kontra-manggagawang mga patakaran ng J&T Express, binatikos
Binatikos ng Center for Trade Union and Human Rights (CTUHR) ang kontra-manggagawang mga patakaran at panunupil ng J&T Express sa mga manggagawa at unyon nito. Tinututulan ng mga manggagawa ang mga pagtatangkang buwagin ang unyon at hindi patas na pagtrato. Bilang paglaban ng mga manggagawa, nagkasa sila ng welga sa Maynila at Pampanga.
Sa Maynila, nasa 100 rider at drayber ng trak ng J&T Express ang nagkasa ng welga nong Marso 3. Sa pangunguna ng PH Global Jet Express Inc. Employees Union (PHGJEIEU), itinirik nila ang sentro ng protesta sa garahe ng kumpanya sa Hermosa, Tondo.
Inirereklamo ng mga mangggawa ang matagal nang umiiral na kontraktwalisasyon para sa mga manggagawang “on-call,” hindi makatwirang paglilipat sa mga regular na empleyado sa ibang ahensya, pagbuwag sa unyon at iba pang paglabag sa karapatan sa paggawa.
Noong Marso 7, nagharap ang pamunuan ng J&T Express at ang unyon para sa isang kumperensya sa National Conciliation and Mediation Board (NCMB) kung saan nagkasundo ang dalawang panig na resolbahin ang usapin. Ngunit ilang araw lamang matapos nito, hindi bababa sa 100 drayber at rider, kabilang ang pangulo at ibang upisyal ng unyon, ang sinuspinde sa trabaho nang 30 araw.
“Ang suspensyon ng pamunuan ng J&T sa presidente at upisyal ng unyon, at iba pang mga manggagawa ay malinaw na ganti laban sa mga manggagawa at kanilang welga,” ayon sa CTUHR. Kinundena ng grupo ang kumpanya hindi lamang sa pagbali nito sa kasunuduan sa unyon kundi ang tahasang paglabag sa karapatan sa pag-uunyon, kolektibong pakikipagtawaran at sa pagwewelga.
Sa Pampanga, ikinasa ng Kilusan ng Manggagawa sa J&T Express Pampanga ang welga noong Marso 26. Inirereklamo ng unyon ang pagbali ng pamunuan ng kumpanya sa kanilang collective bargaining agreement, pagbuwag sa unyon at iligal na pagtanggal sa anim na upisyal nito.
“Nakababahala ang ipinakikitang kontra-manggagawang paninindigan ng pamunuan ng J&T sa mga pagawaan nito sa Maynila at Pampanga. Dapat itong makinig sa mga manggagawa na naggigiit lamang sa kanilang batayang karapatan sa paggawa,” ayon sa CTUHR.
Nanawagan ang grupo sa Deparmtent of Labor and Employment at gubyerno na tiyakin na kikilalanin at itataguyod ng J&T ang mga karapatan ng mga manggagawa.
Ang J&T Express ay isang kumpanya sa pagdedeliber at lohistika na itinatag noong Agosto 2015 sa Jakarta, Indonesia. Sa kasalukuyan, ang J&T Express ay may higit sa 350,000 empleyado sa buong mundo at may operasyon sa 13 bansa, kabilang ang Indonesia, Vietnam, Malaysia, Thailand, Pilipinas, Cambodia, Singapore, China, Brazil, Mexico, Saudi Arabia, Egypt, at United Arab Emirates. Sa Pilipinas, may mahigit 600 na mga branch ang kumpanya.