Kumperensya ng mga Katolikong obispo, pinaalalahanan sa anti-mamamayang rekord ng NTF-Elcac

,

Matapos lumitaw ang balitang magiging bahagi ang isang komisyon ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP) ng Komiteng Tagapagpaganap ng anti-mamamayang National Task Force-Elcac ng rehimeng Marcos, kabi-kabila ang paalala ng mga grupo ng mga taong-simbahan at mga tagapagtanggol ng karapatang-tao sa mga obispo. Anila, dapat tandaan ng CBCP na marumi at madugo ang rekord ng NTF-Elcac at dapat maging mapagbantay dahil baka gamitin sila ng naturang ahensya.

Sa isang pahayag, sinabi ng Promotion of Church People’s Response (PCPR) na dapat maging mapagbantay ang CBCP sa pagbibigay ng kredibilidad sa NTF-Elcac. Dagdag pa ng grupo, “dapat maingat na pag-aralan ang pakikipag-ugnayan dahil ang pakikisalamuha sa NTF-Elcac ay mayroong epekto sa propetiko…at ministro ng pagtataguyod ng kapayapaan ng simbahan.”

Ayon pa sa grupo, ang sinasabing makatao at panlipunang serbisyong inihahatid ng NTF-Elcac sa mga komunidad ay nasa balangkas ng kontra-insurhensyang kampanya nito na maaaring makakompromiso sa inilahad nilang “tunay na misyon ng simbahan.” “Dapat tayong maging maingat at matalino sa kung paanong ang Simbahan at ang iba pang mga sektor ay maaaring gamitin sa isang militaristang adyenda sa pamamagitan ng NTF-Elcac,” dagdag ng PCPR.

Kinunena naman ng Student Christian Movement of the Philippines (SCMP) ang “mapanghimasok na taktika ng NTF-Elcac para imilitarisa at pakialaman ang sibilyang awtoridad” matapos ianunsyo ang umano’y pakikiisa ng CBCP. Ayon sa SCMP, sangkot ang NTF-Elcac sa pagpapakalat ng malisyosong kasinungalingan, red-tagging at iba pang mga paglabag sa karapatang-tao. Anila, maging ang mga lider at tauhan ng simbahan ay hindi naging ligtas sa red-tagging at panggigipit ng ahensya.

Sa ilalim lamang ng rehimeng Marcos Jr, hindi bababa sa 94,448 ang naging biktima ng mga paglabag sa karapatang-tao. Naitala ng Ang Bayan ang aabot sa 954 kaso (o higit dalawang kaso kada araw) ng mga paglabag sa karapatang-tao sa buong bansa.

Kaugnay nito, naglabas ng pahayag ng paglilinaw si Bishop Pablo Virgilio David, D.D., ang pangulo ng CBCP, na kaya sila makikipag-ugnayan sa NTF-Elcac ay para tugunan ang mga isyu tulad ng red-tagging sa mga progresibong grupo at organisasyon sa Simbahan.

“Pag-uusapan namin ang bagay na ito at magbubuo ng kongkretong resolusyon sa aming darating na pagpupulong sa Permanent Council ng CBCP,” ayon pa kay Bishop David. Dagdag niya pa, “maaari din kayang makipag-usap sa ahensyang ito ng gubyerno nang hindi na pumaloob sa Komiteng Tagapagpaganap nito?”

Hiling ng mga progresibong grupo at grupo ng mga taong-simbahan sa CBCP na maging maingat at mapagbantay sa magiging desisyon at pakikipag-ugnayan nito sa NTF-Elcac. “Sana ay pamunuan nila ang kanilang mga myembro tungo sa katotohanan at pagkamakatwiran, kalayaan at demokrasya, at hustisya at kapayapaan,” pagtatapos pa ng PCPR sa kanilang pahayag.

AB: Kumperensya ng mga Katolikong obispo, pinaalalahanan sa anti-mamamayang rekord ng NTF-Elcac