Kumpirmasyon ng CA sa di makatarungang hatol laban sa Talaingod 13, kriminalisasyon ng pagtatanggol sa mga karapatan ng Lumad
“Di makatarungan at di katanggap-tanggap” ang kumpirmasyon ng Court of Appeals (CA) sa hatol ng korte laban sa Talaingod 13, ayon sa mga grupong tagapagtanggol ng mga karapatan ng mga minorya, mga karapatang-tao, abugado at iba pa. Ang Talaingod 13 at hinatulan ng korte sa kasong “child abuse” noong Hulyo 15, 2024. Kinumpirma ang hatol na ito ng CA sa Cagayan de Oro noong Disyembre 16.
Ang Talaingod 13 ay mga myembro ng delegasyong sumaklolo sa mga guro at estudyanteng Lumad sa Talaingod, Davao del Norte noong Nobyembre 28, 2028. Binubuo ito nina dating Bayan Muna Rep. Satur Ocampo, ACT Teachers Rep. France Castro, school administrator Ma. Eugenia Victoria Nolasco at mga dating guro na sina Jesus Madamo, Meriro Poquita, Maricel Andagkit, Marcial Rendon, Marianie Aga, Jenevive Paraba, Nerhaya Tallada, Ma. Concepcion Ibarra, Nerfa Awing, at Wingwing Daunsay.
“Noong November 2018, tumugon kami sa panawagang i-rescue ang Lumad students. Kailangan noon ng mabilis na tugon at iyon ang ginawa namin,” pahayag ni Castro kaugnay sa desisyon. “Nakalulungkot na hindi man lang nakita ng korte ang papel ng teachers as Special Parental Authority at ang imminent danger sa mga bata.”
Pahayag niya, walang ginawang kasalanan ang mga guro at iba pa sa Talaingod 13.
“Ang tunay na nang-aabuso ay ang Armed Forces of the Philippines, Philippine National Police, National Task Force to End Local Communist Armed Conflict, at kanilang mga pwersang paramilitar na nambomba ng mga paaralan, nagpataw ng mga food blockade at nagpalayas ng libu-libong Lumad mula sa kanilang mga lupang ninuno para bigyan-daan ang mga mina at plantasyon,” ayon kay Castro.
Ayon naman kay Ocampo, hindi siya aatras sa kaso kahit abutin siya ng 90 anyos at patuloy siyang magiging aktibista na lalaban sa paninikil, pagsasamantala at pagpatay.
“Naging aktibista ako sa higit 60 taon,” aniya. “Ang mga kasong isinampa laban sa amin ay nakaiinsulto, na nagpapahaging na magsasapeligro ako ng mga bata ay isang kahangalan.”
“Ang hindi makatarungang desisyon na ito ay hindi lamang atake kina Ka Satur, Teacher France, at sa buong Talaingod 13. Isa itong direktang atake sa amin mismong mga Katutubo, lalo na sa Lumad,” pahayag ni Beverly Longid, co-convenor ng Panaghiusa at pambansang kumbenor ng Katribu. Ito ay bahagi ng mas malawak na estratehiya ng estado na pilit patahimikin ang mga Katutubo lalo na ang mga Lumad, mga aktibista, at ang mga sumusuporta sa laban ng mga katutubo tulad nina Ka Satur at Teacher France, aniya.
Dagdag niya, sa mata ng estado at ng mga kasapakat nito, kasalanan ang tumulong sa mga Lumad sa kanilang patuloy na paglaban sa pandarambong ng kanilang lupang ninuno.
“Ang Talaingod 13 ay hindi kriminal. Sila ay mga tagapagtanggol ng karapatan ng mga Lumad,” pahayag niya. Ginagamit ng estado ang batas at pagsasampa ng gawa-gawang mga kaso laban sa mga aktibista, katutubo at kanilang mga tagasuporta, aniya.
Pahayag naman ni Atty. Tony Lavina, tama lamang ang ginawa ng Talaingod 13 na pagsaklolo sa kabataan ng Talaingod muna sa napipintong atake.
“Dapat silang purihin sa kanilang makataong misyon at hindi hatulan ng child abuse.” Aniya, lagi’t laging siyang titindig para sa Talaingod 13.
Sa press conference na idinaos ng Talaingod 13 at kanilang mga tagasuporta noong Disyembre 19, muli nilang pinaigting ang panawagan para sa agarang pagbasura sa di makatarungang hatol at para sa hustisya sa mga Lumad na patuloy na biktima ng militarisasyon at karahasan ng estado.