Balita

Lakad-dasal para sa pagtatanggol sa kalikasan, inilunsad sa Quezon

, ,

Daan-daang mamamayan ng Quezon ang lumahok sa inilunsad na “Lakad-Dasal para sa Kalikasan, Katarungan at Katotohanan” noong Nobyembre 8 sa Lucena City. Nakilahok sa pagkilos ang mga taong-simbahan, mga lokal na upisyal, grupong nagtatanggol sa kalikasan at mga residente ng mga barangay na apektado ng mga operasyong pagkukwari sa mga ilog, at mga proyektong nakasisira sa bundok at kagubatan.

Nagsimula ang lakad-dasal sa katedral sa Lucena City kung saan nagbigay ng mensahe si Obispo Mel Rey Uy. Ayon sa kanya, mahalaga at napapanahon ang pagkakaisa at sama-samang pagtatanggol ng kalikasan at kapakanan ng sambayanan. Paninindigan umano ito laban sa iilan na ang interes lamang ay pagkakitaan at magkamal ng salapi kapalit ng pagkasira ng inang kalikasan kahit pa ito ay masira.

Nagtungo ang mga grupo sa kapitolyo para ihatid ang isang petisyon sa upisina ng gubernador na nananawagang iatras o ipawalang-bisa ang mga permit para sa mga operasyong pagkukwari sa Tayabas at iba pang mga bayan sa Quezon. Anila, may kapangyarihan ang gubernador na ipatigil kaagad ang pagkukwari sa prubisnya kaya’t dapat pakinggan ang panawagan ng mga mamamayan. Simbolikong nagbigay din sila ng isang katutubong punong-kahoy sa upisina para ipaalala ang pangangailangan ipagtanggol ang kagubatan.

Kabilang sa mga lumahok sa lakad-dasal ang Save Bundok Banahaw Network, grupo ng iba’t ibang mga samahang nagtatanggol sa Bundok Banahaw laban sa paninira at pandarambong. Kaisa sila sa panawagan na ipatigil ang anumang porma ng mapanirang proyekto sa prubinsya at pangalagaan ang kalikasan na dapat ipamana, hindi sirain o ipamina.

“Patuloy na nagkakwari at nagsasagawa ng iba pang iligal na gawain…sa iba’t ibang lugar, partikular na sa Ilog ng Tayabas, Seabed Tayabas Bay, at sa Bundok Banahaw—parte ng Pagbilao at Sariaya,” pahayag nito. Naninidigan silang hindi maganda ang idudulot nito hindi lamang sa mamamayan ng Quezon, kundi sa buong Pilipinas, dahil sa pagkasira ng mga likas na yaman, saribuhay, at buhay-ilang.

Isa sa mga operasyong kwari sa Quezon ang isinasagawa sa Barangay Concepcion Pinagbakuran sa bayan ng Sariaya na nasa saklaw ng “buffer zone” ng Bundok Banahaw sa itaas na bahagi ng Lagnas River. Naiulat ang malalakas na pagsabog sa naturang erya noong Abril para sa pakukwari. Lubha itong puminsala sa mga pananim at sa mga kalsada at tulay na dinadaanan ng mga trak mula sa kwari.

Noong Abril pa ay naglabas ng moratoryum ang gubernador para ipahinto ang pakukwari sa bayan ng Sariaya matapos ang reklamo ng mga residente. Iniatas ng gubernador na irebyu ang mga permit na inilabas ng lokal na gubyerno para sa mga operasyong kwari.

“Kami ay nananawagan sa lokal na pamahalaan, mga ahensya ng gobyerno at sa lahat ng sektor sa lipunan na makiisa sa laban na ito. Ang ating kalikasan ay hindi lamang yaman, ito ay buhay. Ito ang ating tahanan at responsibilidad natin itong pangalagaan,” panawagan ng Save Bundok Banahaw Network.

AB: Lakad-dasal para sa pagtatanggol sa kalikasan, inilunsad sa Quezon