Balita

Ligalig sa mga pangkatin sa loob AFP, nagpapatuloy

,

Naging “viral” o mabilis na kumalat ang post ni Col. Audie A. Mongao, isang mataas na upisyal ng Armed Forces of the Philippines (AFP), na kumukundena sa korapsyon ng rehimeng Marcos.

Sa kanyang post, sinabi ni Mongao na nawalan na ng “moral ascendancy” si Ferdinand Marcos Jr para pamunuan ang AFP bilang kumander at para pamahalaan ang mga Pilipino. Nanawagan siya na “Tama na, sobra na!” na nangangahulugan ng kanyang pag-atras ng suporta sa pangulo.

Si Mongao, O-10933 INF (MNSA) PA ang kasalukuyang Director ng Training Development Center sa AFP Training Command (TRACOM). Naging viral ang kanyang panawagan nang i-repost ito ni Ret. Air Force Maj. Gen. Romeo Poquiz noong Enero 8. Si Poquiz ay isa sa mga tagapagtatag ng United People’s Initiative, organisasyon ng mga retiradong upisyal militar na kapanalig ng pamilyang Duterte.

Noong Setyembre 21, 2025, nagdaos ang UPI ng rali malapit sa Camp Crame para ipanawagan sa mga aktibong heneral na “iatras” ang kanilang suporta kay Marcos Jr. Noong Enero 5, inaresto ng rehimen si Poquiz sa kasong inciting to sedition. Agad siyang nakapagpyansa at nakalaya.

Samantala, tinanggal at tinutugis na ng AFP si Col. Mongao. Inilunsad na rin ang imbestigasyon laban sa kanya.

Ang biglang paglabas at pag-viral ng post ni Mongao ay patunay ng di naapulang iringan ng mga pangkatin sa loob ng AFP na hawak ng magkaribal na pangkating Marcos at pangkating Duterte. Nagaganap ang pana-panahong pagsiklab ng iringan sa kabila ng paulit-ulit na iginiit ng liderato ng AFP na matatag itong “naninindigan sa Konstitusyon at chain of command.”

AB: Ligalig sa mga pangkatin sa loob AFP, nagpapatuloy