Mabilis na pagbabalik sa dating iskedyul ng mga klase, iginiit sa gitna ng matinding init

, ,
Ang artikulong ito ay may salin sa English

Nitong nakaraang mga linggo, sunud-sunod ang pagdeklara ng mga syudad at bayan ng suspensyon ng mga klase dahil sa tindi ng init na pinalala pa ng El Nino. Kakaibang hirap ang dinaranas ng mga estudyante at guro lalupa’t kalakhan ng mga klasrum ay siksikan at walang maayos na bentilasyon. Sa tala ng Department of Education ngayong araw, Abril 12, umabot na sa 7,080 mula sa kabuuang 47,678 eskwelahan sa buong bansa ang nagsuspendi ng klase. Karamihan dito ay nasa Central Luzon (1,903), Central Visayas (870) at Western Visayas (862). Sa NCR, 311 ang nagsuspendi ng klase.

Sa harap nito, iginiit ng mga guro ang kagyat na simulan, hindi sa susunod pang mga taon, ang pagbabalik ng iskedyul ng mga klase sa dating school calendar na nagsisimula sa Hunyo. Pinabulaanan nila ang pahayag ni Sara Duterte, kalihim ng Department of Education, na hindi ito kakayanin at kakailanganin pa ng ilang taon bago tuluyang maibalik ang pagsisimula ng klase sa Hunyo at pagtatapos ng school year sa Marso para maiwasan ang klase sa tag-init.

Ayon sa mga guro, hindi dapat ituring na solusyon ang suspensyon ng klase at pagbaling sa “online” o pagmomodyul sa matinding init na dinaranas ng bansa ngayon. Anila, ang mga alternatibong sistemang ito ang sanhi ng kasalukuyang krisis sa pagkatuto.

“Posibleng-posible na ibalik ang school calendar sa katayuan nito bago magpandemya,” pahayag ng Alliance of Concerned Teachers (ACT) Philippines noong Abril 10.

Anito, kung bubuksan ang SY 2024-2025, sa Hulyo 29 ngayong taon, maari itong tapusin Abril 18 para makumpleto ang 175 araw ng klase. Para sa SY 2025-2026 naman, pwedeng simulan ang mga klase sa Hunyo 23, 2025 at tapusin sa Marso 31, 2026 para makumpleto ang 188 araw ng pasukan. At sa SY 2026-2027 naman, pwede nang simulan ang klase sa Hunyo 8, 2026, na balik na sa dating kalendaryo ng pasukan.

Ayon kay Vladimer Quetua, pinuno ng ACT, naging bahagi sila sa konsultasyon na nagresulta sa desisyong unti-unting ibalik sa dating school calendar ang mga klase sa elementarya at hayskul. Gayunpaman, dapat tasahing muli ang dating plano sa harap ng di matiis na init at di angkop na mga klasrum.

“Dagdag sa problema ang kakulangan sa klasrum, guro at iba pang personel na lalong nagpapahirap sa kundisyong kailangang tiisin ng mga guro at estudyante,” ayon pa kay Quetua.

Noon pang nakaraang taon idineklara ang pagsisimula ng El Nino na tinatayang tatagal hanggang Hunyo-Agosto ngayong taon. Tulad ng ibang inutil na ahensya ng estado, walang paghahanda ang DepEd sa tiyak na pagtindi ng init. Wala rin itong ginawang sistematiko at malawakang pagbabago para kumpunihin at dagdagan ang mga klasrum alinsunod sa lumitaw na mga problema sa pagdaraos ng mga klase sa tag-init noong nakaraang taon.

AB: Mabilis na pagbabalik sa dating iskedyul ng mga klase, iginiit sa gitna ng matinding init