Mamamayang Moro, nagrali sa Maynila at mga syudad sa Mindanao para sa Palestine
Nagtipon ang ilandaang Moro sa Luneta Grandstand sa Maynila noong Oktubre 26 para ipahayag ang kanilang suporta sa mamamayang Palestino at tutulan ang nagaganap na henosidyo ng Israel sa Gaza. Ang protestang ito ay bahagi ng serye ng mga pagkilos na isinagawa ng mga Moro sa Marawi, South Cotabato, Tawi-tawi at Sulu. Sa South Cotabato, hindi bababa sa 12,000 katao ang lumahok sa isang peace rally noong Oktubre 16.
Samantala, dalawang beses na tinanggihan ng lokal na mga upisyal ng Zamboanga City ang paghingi ng mga grupong Moro ng permit para maglunsad ng motorcade at peace rally sa syudad. Idinahilan ng lokal na gubyerno ang “banta ng terorismo.” Lubos itong ikinagalit ng mga grupong Moro dahil anila’y ipinamamalas nito ang malalim at matinding diskriminasyon sa kanila, at kawalang pakialam ng mga upisyal ng estado sa sitwasyon ng kanilang mga kapatid sa pananampalataya.
Noon ding Oktubre 26, nagsampa ng kaso ang mga lider-Moro laban kay Teodoro Locsin, dating kalihim ng Department of Foreign Affairs sa panahon ng rehimeng Duterte at kasalukuyang nanunungkulan bilang ambasador ng Pilipinas sa United Kingdom. Nais nilang ipa-disbar o tanggalan ng karapatang mag-abugado si Locsin.
Ang kaso ay kaugnay sa sinulat ni Locsin sa social platform na X (dating Twitter) kung saan sinabi niyang dapat lamang patayin ang mga batang Palestino dahil lalaki lamang diumano ang mga ito na mga mandirigma ng Hamas. Binura na ni Locsin ang naturang post at humingi ng paumanhin pero hindi ito tinanggap ng mga grupong Moro. Anila, tulad ng kanyang burado nang post, “sarkastiko” ang kanyang pagpapaumanhin. Tinawag nilang “Islamophobia” o pagkamuhi sa mga Islam o Muslim ang paninindigan ni Locsin.