Balita

Manggagawa sa konstruksyon, iligal na inaresto at pinaratangang myembro ng BHB sa Albay

Isang manggagawa sa konstruksyon na naninirahan sa P7 Barangay Namantao, Daraga, Albay ang iligal na inaresto noong Mayo 23 ng mga elemento ng Philippine National Police (PNP)-Daraga at 31st Infantry Battalion. Pinaratangan si “Ruben”, 47, na myembro ng Bagong Hukbong Bayan at sinampahan ng gawa-gawang kaso na illegal possession of firearms and explosives.

Pinabulaanan ng mga residente sa barangay na nagkaroon ng engkwentro sa lugar, tulad ng pinalalaganap ng mga sundalo. Ayon sa mga nakasaksi, alas-4 ng umaga ng sapilitang pinasok ng mga elemento ng CAFGU ang bahay ni Ruben. Piniringan siya at dinala sa kalapit na abandonadong bahay sa pagitan ng mga barangay Namantao at Maopi.

Samantala, pinadapa ng halos dalawang oras ang mga residente na malapit sa abandonadong bahay at ilang minuto na walang habas na nagpaputok ng baril ang mga tauhan ng CAFGU.

Bago ang insidente, napansin ng mga residente na may mga tauhan ng CAFGU ang pumunta sa abandonadong bahay noong Mayo 19 upang maghanap di umano ng mga nakatagong armas.

Pagkalipas ng ilang oras, dumating ang mga elemento ng PNP Daraga at 31st IB para taniman ng mga baril, magazine, ammo pouch, isang bag at mga bomba ang abandonadong bahay. Kinuhaan si Ruben at ang mga ito ng litrato.

Maliban sa pag-aresto kay Ruben, ninakaw rin ng mga tauhan ng CAFGU ang alagang mga manok ng kanyang kapatid.

Nananawagan ng hustisya ang mga kababaryo ni Ruben. Anila, mabuting siyang tao at isang ordinaryong sibilyan.

AB: Manggagawa sa konstruksyon, iligal na inaresto at pinaratangang myembro ng BHB sa Albay