Mapanlinlang na pahayag ni Hegseth para sa kapayapaan, binatikos ng kabataan
Binatikos ng League of Filipino Students ang pahayag ni Pete Hegseth, kalihim sa depensa ng US, diumano’y pinakabagong patakaran panlabas ng administrasyong Trump kaugnay sa Asia na “deterrence through strength” (pagpigil sa pamamagitan ng lakas). Magagawa diumano ito sa pamamagitan ng pagpwesto ng armas, sasakyan at tauhan ng US sa bansa. Inilako ni Hegseth ang gayong linya sa katatapos lamang niyang bisita sa Pilipinas noong Marso 28-29.
“Ang paglalagak ng mga Amerikanong armas (sa rehiyon) ay hindi makapagpipigil sa gera,” ayon kay Lloyd Manango, pinuno ng LFS. “Ang tanging tunay na makapagpipigil ng gera ay ang demilitirasasyon sa West Philippine Sea at pagkakaroon ng independyenteng patakaran panlabas ng Pilipinas.”
Inianunsyo ni Hegseth na sa darating na Balikatan exercises ay nakatakdang magdala ang mga tropang Amerikano ng NMESIS (Navy Marine Expeditionary Ship Interdiction System), isang abanteng coastal anti-ship missile system ng US Marine Corp. Bago ito, napabalitang nagpakat ang gubyernong Trump ng isa pang Typhon missile system sa bansa, dagdag sa ipinwesto ng US dito noong 2024, bagaman tumatanggi ang mga upisyal na kumpirmahin ito.
Hindi ito para pigilan ang digma, lalupa’t responsable ang US sa pagpapasiklab ng lahat ng mga gerang agresyon sa ika-21 siglo, ayon sa organisasyon ng kabataan.
“Huwag ninyo kaming sabihan na tungkol ito sa West Philippine Sea, lalo’t nakakalat ang mga pwersa ng US sa Luzon, Visayas at Mindanao, at laluna sa harap ng pagtanggap ng administrasyong Marcos ng $500 milyong ayudang pangmilitar, ” ayon kay Manango.
Panawagan ng LFS sa lahat ng mga Pilipinong nagmamahal sa kapayapaann at kalayaan na tumindig para sa soberanya ng Pilipinas, at labanan ang pagsiklab ng imperyalistang digma.
“Dapat igiit natin ang agad na pag-alis ng lahat ng mga pwersa, base at gamit-militar ng US sa Pilipinas, gayundin ang paglalansag ng mga base ng China sa West Philippine Sea,” anito.