Balita

Marcos, Duterte, pinagbibitiw sa poder; transition council, isinusulong ng Bayan

,

Nanawagan ang Bagong Alyansang Makabayan (Bayan) at mga organisasyon sa ilalim nito na agarang magbitiw sa pwesto sina Presidente Ferdinand Marcos Jr, Bise Presidente Sara Duterte at lahat ng mga sangkot sa malawakang katiwalian sa gubyerno. Bilang kapalit, itinutulak ng Bayan ang pagtatatag ng isang transition council na mamamahala sa gubyerno at magtataguyod sa interes ng mamamayang Pilipino.

Ang panawagan ng Bayan ay kasunod ng pagtuturo ni dating Rep. Zaldy Co kay Marcos bilang upisyal na may pinakamalaking “insertion” sa badyet para sa 2025. Ayon kay Co, inutusan siya ni Marcos na magsingit ng P100 bilyon na ipingako diumano sa kanya ng pinsan ni Marcos na si dating House Speaker Martin Romualdez. Idinaan ang atas kay Amenah Pangandaman, kalihim ng Department of Budget and Management.

Naglabas din si Co ng listahan ng mga proyekto kung saan napunta ang ₱100 bilyong pondong ipinasingit ni Marcos. Ang P81 bilyon nito ay nakalista para sa imprastruktura, kung saan 80% ay mga proyektong flood control. Ang natitira ay para sa mga aktibidad ng pangulo, tulad ng pag-host ng ASEAN Summit.

“Mayroong prinsipal na pananagutan si Marcos Jr kung kaya dapat siyang panagutin sa naghuhumindik na iskandalo ng korapsyon,” ayon sa Bayan. Malinaw umano dito dahil si Marcos ang nagpanukala, pumirma at nagpatupad sa batbat ng korapsyon na pambansang badyet.

Samantala, sinabi rin ng Bayan na hindi dapat makaligtas sa pagpapanagot si Duterte. Ayon sa grupo, inabuso ng bise presidente ang kanyang awtoridad at naglustay ng confidential and intelligence fund na galing sa kaban ng bayan.

Dagdag ng grupo, pinalulubha ng matinding cover-up sa mga isinasagawang imbestigasyon sa katiwalian ang krimen nina Marcos at Duterte. “Ang gumugulong na mga imbestigasyon ay hindi nakatuon sa pagsisiwalat ng katotohanan kundi para pagtakpan ang krimen ng korapsyon at tiyakin na makatatakas sa pananagutan si Marcos at kanyang mga pangunahing kasabwat,” anito.

Papalitan ang mga punong tiwali ng transition council

Kung mapapaalis sa poder sina Marcos, Duterte at iba pang mga tiwaling upisyal ng gubyerno, isinusulong ng Bayan na mapalitan sila ng isang transition council. Anang grupo, kinakailangan ang isang bagong konseho dahil hindi makakamit ang pananagutan laban sa mga burukratang kapitalista sa ilalim ng kasalukuyang sistema.

Ang isinusulong na transition council ay dapat buuin ng mga sibilyan, ayon sa grupo. Magiging bahagi ng konseho ang mga indibidwal at grupong kumakatawan sa mga demokratikong pwersa na nanguna sa kilusang kontra korapsyon at pagpapaalis sa mga burukratang kapitalista.

“Hindi magiging bahagi ng transition council ang mga upisyal na may kaugnayan sa mga Marcos, Duterte at pinaka-notoryus na mga dinastiya sa pulitika,” ayon sa Bayan. Hindi rin umano magiging katanggap-tanggap at handa silang labanan ang isang huntang militar.

Itinutulak ng Bayan na maging bahagi ng konseho ang mga kinatawan ng manggagawa, magsasaka, kababaihan, kabataan at pambansnag minorya. “[kinakailangan sila] para matiyak na hindi babalik ang konseho sa gubyernong pinamumunuan ng mga elitista at burukrata kapitalista ng nakaraan,” ayon sa grupo.

Inilatag ng grupo na pangunahing magiging tungkulin ng transtition council ang pagkakaisa ng bansa sa isang programa na unang tutugon sa panawagan ng bayan na panagutin ang lahat ng mga korap na upisyal. Dapat din umanong tiyakin ng konseho ang paglalagay ng mga patakaran para hindi na umulit ang malawakan at sistemikong korapsyon.

Ayon sa Bayan, dapat ring tiyakin ng konseho ang pagsusulong ng mga sosyo-ekonomikong reporma na tutugon sa kalunus-lunos na sitwasyon ngayon ng mamamayan. Kabilang dito ang dagdag sahod, subsidyo sa mga magsasaka, at abot-kayang serbisyong panlipunan tulad ng pangangalagang pangkalusugan hanggang sa pagpapatupad ng tunay na reporma sa lupa at pagpapatatag ng pambansang ekonomya.

Isa pang dapat umanong paghandaan ng konseho ang pangangasiwa sa isang malaya, patas at tunay na demokratikong eleksyon sa bansa. “Mangangailangan ito ng kagyat na mga repormang elektoral para pigilan ang dominasyon ng mga kandidato mula sa mga dinastiya sa pulitika, automated na pandaraya sa eleksyon at malawakang vote buying,” ayon sa Bayan.

Para maisakatuparan ng mamamayang Pilipino ang mga ito, nanawagan ang Bayan ng “mas malalaki at mas mapangahas” na mga protesta para panagutin at paalisin sa pwesto sina Marcos at Duterte. “Kagyat na kinakailangan na magbuo ng malapad na pagkakaisa ang lahat ng mga demokratikong uri, sektor at pwersa,” ayon sa Bayan.

Bahagi ang Bayan sa nakatakdang protestang bayan na Baha sa Luneta 2.0 na pangungunahan ng Kilusang Bayan Kontra Kurakot (KBKK) sa Nobyembre 30. Kikilos rin ang grupo sa lingguhang Black Friday Protest sa buong bansa sa darating na Nobyembre 21.

AB: Marcos, Duterte, pinagbibitiw sa poder; transition council, isinusulong ng Bayan