Balita

Mga anti-Moro na pahayag ng kandidato pagkagubernador ng MisOr, malawakang kinundena

,

Kinundena ng mga lider Moro at grupo sa karapatang-tao ang pahayag ni Peter Unabia, kasalukuyan at tumatakbong pagkagubernador ng Misamis Oriental, na nagpatunay ng kanyang diskriminasyon at panlalait sa mamamayang Moro.

Sa binitawan niyang mga salita sa Balingoan, Misamis Oriental noong Abril 1, sinabi niyang maaring magdulot ng instabilidad kung mahahalal ang mga upisyal na may kaugnayan sa mga Moro at hinikayat ang mga mamboboto na huwag iboto ang mga ito. Nagbabala siya sa posibilidad na maaring “pangibabawan ng mga Maranao” ang prubinsya, at sa kalauna’y “sasakupin” ng Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) ang Misamis Oriental. Habang nagsasalita, ipinakita sa slideshow sa kanyang likuran ang ambus at atake sa BARMM bilang patunay ng “kriminalidad” na maaaring dalhin ng mga Moro sa prubinsya at Cagayan de Oro, ang pangunahing syudad nito.

Ang mga atakeng ito ni Unabia ay pinaniniwalaang pasaring sa kalaban ng kanyang anak na si Christian na tumatakbo para sa Kongreso na si Atty. Karen Lagbas. Napababalitang may relasyon sa isang pulitikong Maranao si Lagbas.

Isa sa mga kumundena sa anti-Moro na mga pahayag ni Unabia si Drieza Lininding at ang Moro Consensus Group. Ani Lininding, hindi lamang mga Maranao ang pinalalabas ni Unabia na masama, kundi ang Islam mismo. Aniya, mahaba nang may makabuluhang ugnayan ang mga Moro at ang prubinsya ng Misamis Oriental, kung saan itinuturing ng maraming Maranao ang Cagayan de Oro bilang “second home.”

Tinawag ding “hate speech” at “pang-aateke sa dignidad ng mga Muslim,” ang mga pahayag ni Unabia ng 1Bangsa, isang grupong multisektoral na binubuo ng mga lider ng Bangsamoro. Nanawagan ang grupo ng pagboykot ng mga negosyo ng pamilyang Unabia. Hinikayat din nito ang lahat ng Moro na huwag iboto ang mga Unabia sa darating na eleksyon. Panawagan din nilang papanagutin si Unabia ng Comelec.

Bago nito, ipinagpapaliwanag na si Unabia ng Comelec sa kanyang seksistang mga pahayag laban sa kababaihan sa isa rin sa kanyang mga talumpati pang-kampanya.

Noong Abril 7, humingi na ng paumanhin si Unabia sa isang pagpupulong sa pagitan niya at mga grupong Moro na pinamagitan ni Cagayan de Oro Archbishop Jose Cabantan at Iglesia Filipina Independiente Bishop Felixberto Calang.

Gayunpaman, hindi nasapatan ang ibang grupong Moro, laluna ang mga nakabase sa Lanao, ang kadikit na prubinsya ng Misamis Oriental. Isa dito ang Young Moro Professionals Network (YMPN) na una nang mahigpit na pumuna sa gubernador. Anito, higit paghingi lamang ng paumanhin ang kailagnagn gawin ni Unabia. Hinimok nila ang gubernador na makipagdayalogo sa mga komunidad ng Moro sa prubinsya at balikan ang makasaysayan at pang-ekonomyang kontribusyon ng mga Muslim, lalo na sa Cagayan de Oro.

AB: Mga anti-Moro na pahayag ng kandidato pagkagubernador ng MisOr, malawakang kinundena