Balita

Mga biktima ng Red-tagging sa Mindanao, lumahok sa imbestigasyon ng CHR

Lumahok sa imbestigasyon na isinagawa ng Commission on Human Rights noong Nobyembre 11-12 ang mga biktima ng Red-tagging mula sa iba’t ibang bahagi ng Mindanao. Bahagi ang aktibidad sa serye ng mga imbestigasyon na isinagawa ng ahensya sa bisa ng desisyon ng Korte Suprema noong Hulyo kung saan idineklara nitong “banta sa buhay, kalayaan at seguridad ng tao” ang Red-tagging. Marami sa mga lumahok ay nagpadala ng kanilang mga salaysay online.

Sa ulat ng Karapatan, 10 indibidwal mula sa South Mindanao Region ang nagsumite ng mga dokumento para isalaysay ang karanasan sa Red-tagging. Kabilang dito sina Jay Apiag, tagapagtanggol sa karapatang-tao, at Rosiele Lariosa, asawa ng desaparesido na organisador ng mga manggagawa na si Willaim Lariosa.

Sa salaysay ni Apiag, apat na beses siyang ni-redtag mula 2020 at 2021 sa pamamagitan ng mga ipinaskil na mga poster sa iba’t ibang bahagi ng Davao City. Dalawang beses siyang humingi ng imbestigasyon noon sa CHR. Noong Agosto, inaresto siya sa Digos City at sinampahan ng anim na gawa-gawang kaso ng tangkang pagpatay at illegal possession of firearms.

Nagsumite rin ng ulat si Lariosa kaugnay sa Red-tagging na dinanas ng kanyang pamilya sa 2022 at 2023 at ang panggigipit sa kanila para pwersahin ang asawa niyang si William na “sumurender.”

Ayon sa Karapatan, ipinakita ng dalawang kasong ito ang paghantong ng Red-tagging sa pagsasampa ng gawa-gawang kaso at detensyon, at sapilitang pagkawala.

Nasa pagdinig ang abugado na si Atty. Beverly Musni ng National Union of People’s Lawyer na biktima rin ng Red-tagging, gayundin ang mga mamamahayag na sina Cong Corrales, editor-in-chief ng Mindanao Gold Star Daily, at Froilan Gallardo ng Mindanews.

Liban sa kanila, nagbigay rin ng salaysay ang isang aktibistang LGBT na taga-Zamboanga at mga magsasaka na nagtatanggol sa kanilang mga sakahan laban sa pang-aagaw ng isang plantasyon ng palm oil sa Agusan del Sur.

AB: Mga biktima ng Red-tagging sa Mindanao, lumahok sa imbestigasyon ng CHR