Mga boluntir ng Bayan Muna na papuntang Quezon, hinaras at ibinimbin ng 85th IB

, ,
Ang artikulong ito ay may salin sa English

Tinutukan ng baril, tinakot at ibinimbin ng 20 pwersa ng 85th IB, Philippine National Police (PNP)-Gumaca at Special Action Force (SAF)-Gumaca ang koordineytor ng Bayan Muna-Southern Tagalog na si Emmanuel Numeron at kasama niyang mga boluntir sa isang tsekpoynt sa Barangay Panikihan, Gumaca, Quezon kahapon, Marso 4. Ang delegasyon ay nasa prubinsya para mag-imbestiga sa kalagayan ng mga magsasaka na apektado ng El Niño. Ibinimbin sila ng tatlong oras bago tuluyang pinatuloy sa byahe.

Ayon sa mga biktima, pinalalabas ng mga pulis at militar na hinarang sila para maghahain umano ng mandamyento de aresto sa mga boluntir. Nagpalusot pa ang mga pulis na wala pa sa mga boluntir ang kanilang hinahanap. Kasunod nito, nagdahilan naman ang mga pulis na pinahinto ang van dahil mayroon silang hinahanap na suspek sa “hit and run.” Nang lumaganap ang impormasyon sa social media kaugnay sa iligal na panghaharang, sinabi ng mga pulis na nagkamali lamang sila ng sasakyang hinarang.

“Mahigit tatlong oras na kami nakapiit dito, wala kaming ibang hangarin kundi tumulong sa mga magsasakang Quezonin na apektado ng mapaminsalang El Niño,” paskil ni Elloy Mart, isang boluntir, nang pahintuin sila ng mga pulis.

Nanawagan din siya sa publiko noong panahong iyon na “kung anuman ang masamang mangyari sa akin at sa aking mga kasama, walang ibang pagbibintangan kundi ang mga armadong kapulisan at kasundaluhan na humarang sa amin.” Binitiwan niya ang mga salitang ito kasunod ng modus ng mga pwersa ng esatado nang pagdakip at sadyang pagmasaker sa mga progresibo at aktibista sa nagdaang mga taon.

Kinundena ng Karapatan-Southern Tagalog ang taktikang ito ng panghaharas at paninindak ng mga pwersa ng estado. Anila, “Naninindigan ang Karapatan Southern Tagalog na malinaw itong paglabag sa karapatang pantao ng mga peasant advocate na nagsusulong ng kagalingan ng mga magsasaka.”

Ang Quezon ay kabilang sa makararanas ng “dry condition” dulot ng El Niño. Sa huling ulat ng El Niño task force, ipinagpapalagay nitong umaabot sa 80 ang bilang ng mga prubinsyang maaapektuhan ng El Niño sa darating na Abril hanggang Mayo. Sa ulat ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) noong Pebrero 29, umabot na sa ₱941.7 milyon ang halaga ng mga nasira at nawala dulot dito at puminsala na sa 14,854.86 ektarya ng lupang agrikultural sa bansa.

AB: Mga boluntir ng Bayan Muna na papuntang Quezon, hinaras at ibinimbin ng 85th IB