Mga grupo ng kabataan, nagprotesta para sa impeachment ni Sara Duterte
Malakas na isinigaw ng mga konseho ng mag-aaral, pahayagang pangkampus at grupo ng kabataan sa Liwasang Bonifacio sa Maynila noong Enero 27 ang kanilang panawagan para sa impeachment ni bise presidente Sara Duterte. Binuklod at pinangunahan ang pagkilos ng Leaders and Advocates of the Youth for the Accountability of Sara Duterte (LAYAS Duterte) Network.
Ang LAYAS Duterte Network ay binuo ng mga kabataang nagsampa ng reklamo sa House of Representatives para sa impeachment ni Duterte. Mayroon itong apat na panawagan. Una dito ang paggigiit ng impeachment ni Duterte dahil sa paglustay sa pondo ng bayan, pangunahin ang confidential funds, at ang kanyang tangkang lokohin ang taumbayan sa pagprisenta ng pekeng mga dokumento at hindi pagdalo sa mga pagdinig.
Ikalawa, itinutulak ng network ang mabilis na pagtugon ng Kongreso sa kanilang reklamong impeachment, na inihain noon pang Disyembre 2024. Ikatlo, panawagan nilang ibasura ang confidential funds ng gubyerno at imbestigahan at itigil ang paggamit nito. At ikaapat, sigaw nilang papanagutin si Presidente Ferdinand Marcos Jr bilang hepe ng kurakot na gubyerno.
Lumahok sa naturang protesta ang mga estudyante at kabataan mula sa University of the Philippines, Polytechnic University of the Philippines, University of Sto. Tomas, De La Salle University, Far Eastern University at iba pang mga eskwelahan sa Metro Manila. Paghahanda ang pagkilos sa mas malawak na protestang bayan laban sa kahirapan, korapsyon, at kawalang pananagutan sa Enero 31 na pamumunuan ng Taumbayan Ayaw sa Magnanakaw at Abusado Network Alliance (TAMA NA).
Naniniwala ang mga kabataan na mananatiling malabo ang kanilang kinabukasan hanggang nasa pwesto ang katulad nina Duterte at Marcos Jr. Anila, kailangang magkaisa para bawiin ang kinabukasang ninanakaw sa mga kabataan ng mga korap sa gobyerno.
Bago ang protesta, isinagawa ang isang Educational Stakeholders Media Forum sa pangunguna ng TAMA NA at De La Salle University Student Government (DLSU USG) sa DLSU Manila sa Taft Avenue. Nagbigay ng talumpati at mensahe sa programa ang mga kinatawan ng TAMA NA, ACT Teachers Party-list, Movement Against Tyranny, Rise Up for Life and Rights, ACT Philippines, Adamson University, St. Paul University Manila, University of the Philippines, DLSU USG, LAYAS Duterte Network, National Union of Students of the Philippines, at Kabataan Party-list.