Mga hors de combat sa Negros Oriental, sadyang pinatay ng 47th IB
Sadyang pinatay ng mga sundalo ng 47th IB ang mag-asawang matandang Pulang mandirigma na sina Pedro Gemodo, 61, at Juliana Arculo Gemodo, 63, noong Enero 31. Sugatang nadakip at binaril ang dalawa sa Sityo Agpapataw, Barangay Binobohan, Guihulngan City, Negros Oriental kasunod ng pag-atake ng 47th IB.
Kasabwat ng 47th IB at kasama nito sa operasyong militar ang mga traydor sa rebolusyon sa Central Negros. Kabilang dito sina Renante Mission (alyas Tibor/Karding/Eman) at Renalyn Omboy (alyas Mulan/Dayna).
Ang mag-asawang Gemodo, mga mandirigma sa ilalim ng Bagong Hukbong Bayan (BHB)-Central Negros (Leonardo Panaligan Command), ay pinaulanan ng bala habang nagpapahinga sa isang kubo sa Sityo Agpapataw. Nasugatan sila mula sa pamamaril ngunit nakaatras papalayo. Dahil sa tinamong mga sugat, wala na sa katayuang lumaban ang dalawa o maituturing nang mga hors de combat.
Sa halip na igalang ang karapatan nang muling natunton ng mga sundalo at ituring na mga bihag ng digma, pinatay ang mag-asawa. Kinundena ni Ka JB Regalado, tagapagsalita ng BHB-Central Negros, ang paglabag ng 47th IB sa mga alituntunin sa digma at internasyunal na makataong batas.
Bago sumapi sa BHB, ang mag-asawang Gemodo ay myembro ng Kapunungan sa Gagmay’ng Mag-uuma sa Oriental Negros (KAUGMAON-Guihulngan Chapter) mula noong huling bahagi ng dekada 1990 hanggang 2010. Simula Hunyo 2010 ay nakaranas sila ng panggigipit at pagbabanta sa buhay mula sa Armed Forces of the Philippines (AFP) kasunod ng isang engkwentro sa Sityo Agpapataw noong buwang iyon. Noong 2017, ilang ulit silang pinilit ng AFP at mga tauhan ng National Task Force-Elcac na “sumurender” kahit sila’y mga sibilyang magsasaka.
Pinarangalan ng BHB-Central Negros ang mag-asawang Gemodo sa pagbubuwis ng buhay para sa adhikain ng masang Negrosanon. Ayon kay Ka JB, sila ay mga “tunay na bayani ng masang magsasaka at rebolusyon.”
“Matapang nilang hinarap ang karahasan ng reaksyunaryong estado at ang mga sunud-sunurang AFP, PNP, paramilitar, at NTF-Elcac,” pahayag ni Ka JB. Dagdag niya, ang mag-asawa ay mga rebolusyonaryong martir na sumagupa sa unos ng pasismo sa larangang gerilya upang makamit ang pambansang kalayaan at demokrasya.