Mga kawani sa Senado, naigiit ang dagdag na alawans

,

Makatatanggap ng dagdag na alawans para umagapay sa implasyon ang mga kawani ng Senado ng Pilipinas matapos ianunsyo kahapon ni Senate President Juan Miguel Zubiri na itataas ang kanilang alawans mula ₱12,200 tungong ₱50,000. Ayon sa unyong Sandigan ng mga Empleyadong Nagkakaisa sa Adhikain ng Demokratikong Organisasyon (SENADO), ang dagdag benepisyo na ito ng maliliit na kawani ng Senado ay bunga ng ilang dekada na nilang pakikibaka.

Tinatayang 3,000 kawani ng Senado ang makatatanggap ng karagdagang alawans. Ayon kay Zubiri ibibigay ito sa darating na Agosto.

Kaugnay nito, sinabi ng grupong Confederation for Unity, Recognition and Advancement of Government Employees (Courage) na “sana all” o dapat lahat ng ahensya ng pamahalaan ay makatanggap ng ganito bilang ayuda at insentibo sa mga kawani sa harap ng tumitinding krisis.

Ayon sa SENADO, “makatwiran at makatarungan ang pagbibigay ng dagdag na benepisyo upang makaagapay sa napag-iiwanang sweldo… Ang nakabubuhay na sweldo at proteksyon sa paggawa ay tungkulin ng estado sa kanyang mamamayan.”

Ipinunto ng unyon na lampas sa nakamit na dagdag alawans, “nakikiisa sila sa panawagan ng mga manggagawa, iba pang kawani sa pamahalaan at ng sambayanang Pilipino para sa pagtataas ng sahod/sweldo, dagdag na benepisyo at ayuda upang maibsan ang hirap na dinaranas dahil sa walang ampat na pagtaas ng presyo ng mga bilihin at tumitinding krisis sa ekonomya.”

Sa pahayag ni Santiago Dasmariñas Jr, pambansang pangulo ng Courage, “Tama rin ang tinuran ng Senador na hindi “living wage” ang sweldo ng karamihan ng mga kawani. Kaya patuloy na panawagan natin na gawing nakabubuhay ang pambansang minimum na sahod ng mga kawani at manggagawa.”

Iginigiit ngayon ng mga kawani ng gubyero na gawing ₱33,000 kada buwan ang minimum na sahod ng mga kawani sa buong bansa.

AB: Mga kawani sa Senado, naigiit ang dagdag na alawans