Balita

Mga manggagawa, nangalampag para sa ₱1200 nakabubuhay na sahod at serbisyong publiko

,

Ilang araw bago ang Internasyunal na Araw ng Paggawa, naglunsad ng mga protesta ang mga manggagawa sa Metro Manila at Panay para kalampagin ang estado para sa nakabubuhay na sahod at serbisyong publiko kahapon, Abril 25. Hinimok nila ang kanilang kapwa manggagawa na lumahok sa pagkilos sa Mayo 1.

Sa pangunguna ng Kilusang Mayo Uno (KMU), kasama ang mga myembro ng iba’t ibang progresibong grupo, nagtipon sila sa tapat ng National Housing Authority para sa Black Friday Protest. Ipinanawagan din nila ang pagbaba ng presyo ng mga serbisyong pampubliko, bilihin, at pagsasabatas ng ₱1200 National Living Wage.

Sa Panay, nagtipon-tipon ang iba’t ibang sektor sa parehong araw bilang bahagi ng pambansang kalampagan para sa nakabubuhay na sahod sa pangunguna ng Bagong Alyasang Makabayan-Panay at KMU-Panay. Dinala rin ng mga nagpuprotesta ang panawagan para sa pagbabasura ng huwad na modernisasyon sa transportasyon.

“Wasto at makatarungan ang taas-sahod sa gitna ng tuluy-tuloy na pagsirit ng presyo ng mga bilihin at serbisyo,” ayon sa KMU. Binweltahan nito ang rehimeng Marcos na nagbibingi-bingian sa panawagan ng mga manggagawa.

Sa nakaraang mga araw, puspusan na ang paghahanda ng KMU para sa Araw ng Paggawa.

Noong Abril 25, inilunsad nito, kasama ang 30 pang organisasyon sa paggawa, ang “Labor Agenda” para sa mga kandidato sa eleksyong 2025. Nakapaloob sa adyenda na ito ang itinutulak ng mga manggagawa na reporma sa sahod, kontrol sa presyo, pagwawakas sa kontraktwalisasyon at pagpapalakas sa karapatan ng pag-uunyon.

Noong Abril 23, isinagawa ng mga myembro ng KMU ang malawakang postering sa Aurora Boulevard hanggang Magsaysay Boulevard sa Metro Manila.

“(T)uwing tigil namin ay buong-giliw na sinuportahan ng mga manggagawang nakakita ang ating panawagan!,” pagbabahagi ng mga nagsagawa ng postering. “Marami ang sumang-ayon na ito ang dapat na pamantayan ng minimum na sahod ng isang manggagawa sa araw-araw.”

AB: Mga manggagawa, nangalampag para sa ₱1200 nakabubuhay na sahod at serbisyong publiko