Balita

Koalisyong Makabayan, nakipagpulong kay Sen. Francis Pangilinan

,

Nakipagpulong ang mga kinatawan ng Koalisyong Makabayan kay Sen. Francis Pangilinan noong Hulyo 30 para talakayin ang mahahalagang isyu sa bansa. Kabilang sa mga tinalakay ang mga usapin sa agrikultura, mataas na presyo ng pagkain, reporma sa pangisdaan, libreng edukasyon at ang pag-usad ng paglilitis sa kasong impeachment ng bise presidente na si Sara Duterte.

Ayon sa Makabayan, hangad ng kanilang koalisyon na mahigpit na makipagtulungan sa senador sa mga isyung pambayan. Humarap sa pulong ang mga tumakbo sa pagkasenador sa ilalim ng Makabayan na sina dating Gabriela Women’s Party Rep. Arlene Brosas, dating ACT Teachers Party-list Rep. France Castro, lider-mangingisda na si Ronnel Arambulo, isang kinatawan ng Kabataan Party-list, at ang presidente ng Bagong Alyansang Makabayan na si Renato Reyes Jr.

Si Pangilinan ay naitalaga bilang tagapangulo ng Komite ng Senado sa Agrikultura, Pagkain at Repormang Agraryo. Ilan sa mga unang hakbang na inihain niya sa pagbubukas ng Senado ang pagtutulak ng imbestigasyon sa mataas na presyo ng pagkain sa merkado, muling pagsusuri sa Rice Tariffication Law, at pagsuporta sa maliliit na mangingisda kaugnay ng laban para sa eksklusibong pangingisda sa 15-kilometrong municipal waters.

Kinilala ni Arambulo ang resolusyon ni Pangilinan hinggil sa karapatan ng mga mangingisda sa municipal waters. “Laman ng nasabing resolusyon na dapat ay baligtarin ang naunang Supreme Court ruling pabor sa maliliit na mangingisda na tiyakin na eksklusibo ang 15-km municipal waters sa mga maliliit na mangingisda!” pagbabahagi ng lider-mangingisda.

Samantala, tuluy-tuloy ang pagsisikap ng mga kinatawan ng ACT Teachers at Kabataan sa House of Representatives sa pagtataguyod sa mga panukalang kapaki-pakinabang sa interes ng karaniwang mamamayan. Nahirang bilang isa sa mga deputy minority leader ng kongreso si ACT Teachers Rep. Antonio Tinio habang assistant minority leader naman si Kabataan Rep. Atty. Renee Co.

Noong Hulyo 30, muling inihain ng dalawang kongresista ng Makabayan Bloc ang panukala para sa ₱1,200 pambansang minimum na sahod para sa mga manggagawa sa pampubliko at pribadong sektor sa buong bansa. Kasama nilang nagsumite ng panukala ang mga kinatawan ng Kilusan ng Manggagawang Kababaihan (KMK), Kilusang Mayo Uno, at BPO Industry Employees Network (BIEN). Ang halagang ito ay nakabatay sa abereyds na nakabubuhay na sahod sa bansa.

Dismayado ang Makabayan at mga lider-manggagawa na walang binanggit si Ferdinand Marcos Jr hinggil sa pagtataas ng sahod ng mga manggagawa sa kanyang ika-apat na state of the nation address noong Hulyo 28. Dagadg dito, batid nilang magiging mahirap itulak ang batas para sa pagtataas ng sahod laluna at dominado ng mga negosyante, mga panginoong maylupa at burukratang kapitalista ang senado at kongreso.

Noong ika-19 na Kongreso, pinatay sa antas bicameral ang panukalang ₱100-₱200 dagdag-sahod na ipinasa kapwa sa House of Representatives at Senado. Naniniwala ang Makabayan na nauwi sa wala ang panukala matapos kontrahin ito ng rehimeng Marcos.

AB: Koalisyong Makabayan, nakipagpulong kay Sen. Francis Pangilinan