Mga manggagawa sa agrikultura, nanawagan para sa nakabubuhay na sahod sa Araw ng Paggawa
Sa Araw ng Paggawa, kaisa sa panawagan para sa nakabubuhay na sahod sa buong bansa ang mga manggagawa sa agrikultura sa ilalim ng Unyon ng Manggagawa sa Agrikultura (UMA). Anito, sa kabila ng mahalagang papel ng mga manggagawa sa agrikultura sa produksyon ng pagkain, kulang na kulang ang sahod nila na kahit sila ay hindi nila mapakain ang kanilang mga pamilya.
Ayon sa tagapangulo ng UMA na si Ariel “Ka Ayik” Casilao, animo’y mga “third class citizen” o mababang klaseng mamamayan ang mga manggagawa sa agrikultura. Mababa na ang pangkalahatang sahod ng mga manggagawa, mas mababa pa ang sahod ng mga manggagawang agrikultural.
Sa Eastern Visayas, halimbawa, nasa ₱390 lamang ang sahod sa mga manggagawa sa agrikultura, na 32.5% lamang sa nakabubuhay na sahod na ₱1,200. Sa ilang lugar, binabayaran lamang sila nang hanggang ₱15 bawat araw para sa mga gawain tulad ng pagtatanggal ng damo.
Panawagan ng UMA, tanggalin ang “rasyunalisasyon ng sahod” sa mga rehiyon at lutasin ang diskriminasyon sa sahod sa kanayunan. Dagdag sa barat na sahod, nahaharap din sila sa di-makatao at mapanganib na mga kundisyon sa trabaho. Madalas silang nalalantad sa mga mapanganib na kemikal, matinding init ng araw at iba pang sitwasyong nakasasama sa kalusugan.
Nananawagan din silang itigil ang militarisasyon sa kanayunan at panunupil sa kanilang mga unyon, gayundin ang pagbasura sa Executive Order 70 at ng Terror Law, na nagbigay ng pagiging lehitimo sa red-tagging at pagsupil sa mga unyon. Sa ilalim ni Ferdinand Marcos Jr, umabot sa halos 100 ang bilang ng pinatay na mga magsasaka. Sa 761 na mga bilanggong pampulitika, 90% sa ay mga magsasaka.
“Ang Pandaigdigang Araw ng Paggawa ay okasyon hindi lang para ipaalala na ang lahat ng yaman sa mundo ay mula sa lakas-paggawa ng anakpawis,” ani Ka Ayik. “Okasyon din ito para sariwain ang dakilang alyansa ng pesante at manggagawa.”
Suportado ng mga magsasaka sa ilalim ng Kilusang Magbubukid ng Pilipinas ang panawagan ng mga manggagawa para sa ₱1,200 nakabubuhay na sahod ngayong Araw ng Paggawa.
Ayon kay Danilo Ramos, tagapangulo ng Kilusang Magbubukid ng Pilipinas (KMP) at kandidato pagkasenador ng Makabayan, nakabubuhay na sahod din ang panawagan ng mga manggagawa sa agrikultura para matugunan ang kanilang pangunahing mga pangangailangan.
Ang mga manggagawang-bukid ay nagkakandakuba sa pagtatrabaho para magprodyus ng pagkain pero tinutumbasan ito ng sahod-alipin, ayon kay Ramos. “Ang ₱1,200 na pang-araw-araw na sahod ay hindi lamang makatarungan, ito ay agarang kailangan.”
Ibinahagi ni Ramos na sa isla ng Negros, kung saan matatagpuan ang malalaking asyenda, libu-libong mga manggagawang-bukid ang tali sa mga sistema ng pakyawan na nagpapahirap sa kanila.
“Ang mga manggagawa sa tubuhan, halimbawa, ay binabayaran lamang ng ₱1,800 para sa pagtatabas ng damo sa isang ektarya ng lupa, na tumatagal ng tatlong araw para sa sampung manggagawa,” aniya. Katumbas ito sa sahod na ₱60 kada araw bawat manggagawa.
“Nararapat sa mga manggagawang-bukid ang sahod na bubuhay sa kanilang pamilya, makapag-aaral sa kanilang mga anak, at makakapamuhay ng disente,” ani Ramos. “Hindi dapat sila itali sa kahirapan at kawalan ng pag-asa.”