Mga Moro, nanawagang pauwiin na sila sa Marawi City

,

Taliwas sa ipinagmayabang ni Ferdinand Marcos Jr na “bumabangon na ang Marawi” sa kanyang State of the Nation Address, maraming residente ang hindi pa rin pinapayagang makabalik sa lugar.

Dapat payagan na ang mga residente ng Marawi na makauwi nang walang sagabal sa syudad, ayon kay Drieza Lininding, pangulo ng Moro Consensus Group. Matapos ang anim na taon, nagsisimula pa lamang ang reaksyunaryong estado sa pagproseso para mabigyan ng kumpensasyon ang namatayan ng mga kamag-anak at nasiraan ng mga ari-arian dulot ng walang habas na pambobomba ng AFP noong 2017.

“May 24 barangay pa rin na hindi pwedeng pasukin ng mga residente,” ayon kay Lininding. “Kontrolado pa rin ng mga sundalo ang paglabas-masok nila sa mga lugar na ito.”

Ang 24 barangay na ito ang tinaguriang “Ground Zero” at pinakadurog na bahagi ng syudad. Ito rin ang lugar na sinimulang tayuan ng kampo militar ng US at AFP.

Ayon sa ahensyang namamahala sa rehabilitasyon ng syudad, mayroon nang 3,462 aplikante para magtayo muli ng kanilang mga bahay at gusali sa Ground Zero. Sa mga ito, 1,786 pa lamang ang nabigyan ng permit. Gayunpaman, tiyak na hindi lahat maitatayo ang kani-kanilang tirahan at kabuhayan dahil kulang na kulang ang ₱1 bilyong inilaang badyet para sa kumpensasyon.

AB: Mga Moro, nanawagang pauwiin na sila sa Marawi City