Mga myembro ng Gabriela sa North Caloocan, ginipit ng 12th CMO Battalion at NTF-Elcac
Naglunsad ng kilos protesta ang mga myembro ng Gabriela Caloocan sa harap ng Barangay Hall ng 175 noong Oktubre 29 upang kundenahin ang Red-tagging, paniniktik, panggigipit at pananakot ng 12th Civil Military Operations Battalion at NTF-Elcac sa mga residente at myembro ng progresibong grupo sa North Caloocan noong Oktubre 28. Kasalukuyang nagkakampo ang 12th CMO sa likuran mismo ng covered court ng naturang barangay.
Bandang alas-11 ng umaga ay pinasok ang upisina ng Gabriela Caloocan ng nagpakilalang mga pulis. Ayon sa ulat, nagdeklara ang mga ito na may dalang warrant of arrest pero wala naman naipakitang dokumento. Kinagabihan, bandang alas-7 hanggang alas-9 ng gabi, kapansin-pansin ang pag-aaligid ng dalawang naka-unipormeng pulis sa labas ng upisina ng organisayon. Muling bumalik ang nagpakilalang mga pulis bandang alas-10 ng gabi, nawasiwas ng dalang baril para takutin ang mga myembro.
Ayon sa mga upisyal ng barangay sa lugar, walang anumang koordinasyon o abiso na may warrant of arrest o operasyon sa naturang gusali.
Samantala, sa Barangay 175 Camarin, Caloocan, ni-red-tag at ginipit ang mga myembro ng Gabriela Matarik. Ipinatawag ng isang 2nd Lt. Julie San Jose, katuwang ang kapitan ng barangay na si Ronald Matias, ang mga myembro ng organisasyon at pinaratangan silang rekruter ng rebolusyonaryong organisasyon,. Dahil sa takot, napilitan silang pumunta sa patawag ng mga militar sa barangay.
Nangangamba ang Defend Caloocan na posibleng sa susunod na mga araw ay pipilitin ng militar ang mga myembro ng Gabriela Matarik na “magbalik-loob” sa gubyerno kapalit ng ayuda mula sa Barangay Development Fund at upang “linisin” ang kanilang pangalan, kahit hindi naman sila kasapi ng anumang rebolusyonaryong organisasyon.
Mula pa 2023 ay kilala na ang 12th CMO sa paniniktik, panggigipit at sapilitang pagpapasuko sa mga lider-komunidad at aktibista sa Metro Manila. Ngayong taon, simula Oktubre 6, nagpatuloy ang mga operasyong militar sa mga barangay 175, 181-182, at 187-188 sa North Caloocan.
Nananawagan ang mga residente at ang Gabriela Caloocan Kay Mayor Along Malapitan, mga konsehal, Commission of Human Rights na imbestigahan ang mga pananakot at harassment ng NTF-Elcac at 12th CMO sa mga mamamayan.