Balita

Mga protesta laban sa henosidyo ng Israel, inilunsad kasabay ng Democrat Convention sa US

,

Tuluy-tuloy ang mga protesta ng mga grupong demokratiko at kontra-gera sa US laban sa henosidyo ng Israel na suportado ng kanilang gubyerno. Nitong linggo, dinala nila ang protesta sa Chicago, kung saan ginanap ang convention (pagpupulong) ng partidong Democrat para pormal na hirangin si Kamala Harris, kasalukuyang bise presidente ng bansa, bilang kandidato nito pagkapresidente sa halalan sa Nobyembre. Isinagawa ang mga protesta sa buong apat na araw ng pagpupulong mula Agosto 19 hanggang 21.

Pinangunahan ng Coalition to March on the DNC (Democratic National Convention), nagtipon ang mga raliyista sa Chicago Union Park para igiit na maging mayor na usapin ng convention ang henosidyo laban sa Palestine. Panawagan nila ang kagyat na pagtigil ng ayudang militar sa Israel at tigil-putukan sa Gaza. Binubuo ang koalisyon ng mahigit 200 lokal at pambansang grupo ng mga aktibista sa US.

Isa sa mga organisasyong ito ang Freedom Road Socialist Organization na matatag na naninindigan para papanagutin sina US Pres. Joseph Biden, Harris at pati ang bise presidenteng kandidato na si Tim Walz sa mga krimen sa digma sa Gaza. Anito, hindi totoong ang pagtutol nila sa DNC ay magreresulta sa panalo ni Donald Trump, kandidato ng karibal nitong partidong Republican. “Sila (Biden, Harris, Walz) ang magdadala ng pagkatalo sa kanilang mga sarili,” ayon sa grupo. “Dapat karapat-dapat ang mga pulitiko na gustong makuha ang boto ng mga progresibo. Ang mga sangkot sa henosidyo, mga yumayakap sa Israel, ay mawawalan ng suporta ng nakararami.”

Lubos ang pagkadismaya ng koalisyon na walang inilalatag na kongkretong adyenda si Harris kaugnay sa patakaran ng pagsulsol at pagsuporta sa henosidyo sa Gaza. Nananatiling nakasunod ang kanyang paninindigan sa kasalukuyang administrasyon ng kanyang presidente at kapartidong si Biden sa aktibong pagpondo, pagsuporta at pagtatanggol sa Israel.

Katunayan, ilang araw bago ang convention, nag-anunsyo pa ang administrasyon ni Biden na magbibigay ito ng dagdag na $20 bilyong ayuda sa Israel. Nagpadala rin ito ng mga barkong pandigma, destroyer, submarino at mga fighter squadron sa Middle East para suportahan ang Israel sa pagsalakay nito sa Lebanon at Iraq.

“Kung walang suporta ng US, hindi iiral ang Israel,” ayon pa sa FRSO.

Nasa 2,500 pulis ang itinalaga sa convention para tiyaking “mapayapa” ang mga protesta. Nang-aresto ang mga ito ng 13 raliyista sa unang araw, at 56 pa dulot ng “hindi awtorisadong protesta” sa harap ng konsulado ng Israel.

Walang Palestinong-Amerikano ang pinayagang magsalita sa convention, isa sa mga itinulak ng kilusang “uncommitted” na namuo sa loob ng partido. Ang mga “uncommitted” ay binubuo ng mga Democrat na nagpahayag na hindi boboto kay Harris hanggang wala siyang pangako na ititigil ng US ang suporta sa henosidyo sa Gaza.

AB: Mga protesta laban sa henosidyo ng Israel, inilunsad kasabay ng Democrat Convention sa US