Balita

Palitan ng mga bilanggo, isinasagawa sa Palestine bilang bahagi ng tigil-putukan

,

Dalawang palitan na ng mga bilanggo ang naganap sa mga teritoryo ng Palestine mula nang pumasok sa kasunduan sa tigil-putukan ang estado ng Israeli at mga pwersang Palestino. Naganap ang unang pagpapalaya noong Enero 19, at pangalawa kahapon, Enero 25. Ang palitang ito ay bahagi ng unang yugto ng kasunduan kung saan nakasaad na ipapasa ng Hamas ang 33 sa humigit-kumulang 100 pang hawak nitong mga indibidwal, kapalit ng pagpapalya ng Israel sa halos 2,000 bilanggong pulitikal na Palestino.

Kahapon, pinalaya ng Hamas ang apat na sundalong babae na Israeli sa isang malaking pagtitipon sa Palestine Square sa Gaza City. Daan-daang mandirigma ng Al-Qassam Brigade, ang hukbo ng Hamas, kasama ang mga mandirigma ng Al-Quds Brigade, na hukbo ng Islamic Jihad, ang bumuhos sa syudad para tiyakin ang seguridad ng pagtitipon. Ang lugar na ito ay pinulbos ng mga airstrike ng Israel at tinangkang okupahin ng mga sundalong Israeli. Ayon sa mga tagamasid, pinabulaanan ng paglitaw ng daan-daang mandirigma ang ipinalalaganap ng mga pwersang Israel na nagapi na ang mga ito.

Nagpaalam sa Gaza ang apat na sundalong kababaihan, na nakasuot ng kanilang uniporme bilang mga sundalo ng Israeli Defence Forces, sa isang entablado sa harap ng daan-daang mandirigma at sibilyang Palestino na ipinagbunyi ang kanilang paglaya. Inilipat sila sa kustodiya ng International Red Cross, na umakyat din sa entablado para pirmahan ang mga dokumento ng kanilang paglaya. Isinakay sila sa helikopter para mabilis nilang makasama ang kanilang mga pamilya sa Israel.

Sa parehong araw, pinalaya ng Israel ang 200 bilanggong Palestino, kabilang ang 120 na hinatulan ng habambuhay na pagkakabilanggo. Sinalubong ang 114 sa kanila sa West Bank, habang ang 16 ay lumaya sa Gaza. Sinalubong sila ng malaking bilang ng mga Palestino na may dalang mga bandila ng kanilang bansa, at humihingi ng hustisya at paglaya. Ito ay sa kabila ng pagbabawal ng Israel sa anumang “pagdiriwang” sa okasyon ng kanilang paglaya. Pinakabata sa mga pinalaya ay 16 anyos na sibilyang Palestino, habang ang pinakamatanda ay 69 taong gulang. May 70 ding mga bilanggong pulitikal na pinalaya sa kundisyong hindi sila mananatili sa Palestine at idiniresto sa kustodiya ng Egypt

Bago nito, ipinasa ng Hamas ang tatlong indibidwal noong Enero 19, sa araw na nagkabisa ang tigil-putukan. Bilang tugon, nagpalaya ang Israel ng 90 bilanggong pulitikal na Palestino, karamihan kababaihan at mga menor-de-edad.

Sa nakaraang 15 buwan, mula nang ilunsad ng Hamas ang Al Aqsa Flood, nagpalaya na ito ng kabuuang 117 hinawakan nitong indibidwal. Ang 105 sa kanila ay idinaan sa iba’t ibang mga kasunduan para sa palitan ng mga bilanggo, apat ang unilateral na pinalaya, at walo ang nabawi ng IDF.

AB: Palitan ng mga bilanggo, isinasagawa sa Palestine bilang bahagi ng tigil-putukan