Pahayag

Itigil ang henosidyo sa Palestine at gerang agresyon sa Middle East! Papanagutin ang imperyalismong US at Zionistang Israel sa mga karumaldumal na paglabag sa karapatang tao at internasyunal na makataong batas!

,

Nagpupugay ang NDFP-ST sa mamamayang Palestine na tuluy-tuloy na lumalaban para sa pambansang pagpapalaya at laban sa pasismo. Isang taon na mula nang naganap ang Al Aqsa Flood o ang pag-aalsa ng mamamayang Palestine para labanan ang tumitinding pang-aapi at pampulitikang panunupil ng Zionistang Israel sa Gaza at West Bank. Hanggang ngayon, nagpapatuloy ang marubdob na pakikibaka ng mamamayang Palestine sa gitna ng pinatinding pasismo at terorismo ng Zionistang Israel kasabwat ang imperyalismong US. Makatarungan ang kanilang paglaban upang mabawi ang lupang tinubuan mula sa pananakop ng Zionistang Israel at imperyalismong US.

Sa ganitong diwa, nakikiisa ang NDFP-ST sa panawagang hustisya para sa mga biktima ng henosidyo at iba pang paglabag sa karapatang tao at internasyunal na makataong batas na isinasagawa ng Zionistang estado ng Israel at imperyalismong US sa mamamayang Palestine. Makatarungan ang sigaw na itigil ang walang pakundangang pambobomba ng Israel lalo sa mga sibilyang komunidad, refugee camp, eskwelahan, ospital, pinagmumulan ng inuming tubig at iba pang kanlungan ng mga sibilyan sa gera na pumapatay sa mga bata, taong-midya at senior citizen. Dapat wakasan ang suportang armas sa Israel ng mga Kanluraning bansa sa pangunguna ng imperyalismong US.

Patuloy ang panawagan sa harap ng tuluy-tuloy na pambobomba at pagpapalawak ng karahasan ng Zionistang Israel sa rehiyon ng Middle East. Sa nagdaang mga araw, inatake rin ng Israel ang Lebanon kung saan binomba nito ang kapitolyong Beirut at mga bayan sa hangganan ng dalawang bansa. Nagresulta ito ng sapilitang paglikas ng 1.2 milyong Lebanese at pagkamatay ng libu-libong residente kabilang ang daan-daang bata. Sa Gaza, umabot na sa 41,000 mamamayang Palestine ang pinaslang kung saan 27,000 rito ay mga bata at kababaihan habang 2.1 milyon ang sapilitang lumikas mula Oktubre 7, 2023. Katumbas ito ng pagpatay sa 112 Palestino sa loob ng isang araw. Dinaranas ng mga bakwet ang kakulangan sa suplay ng tubig, pagkain at serbisyong medikal lalupa’t hinahadlangan ng Israeli Defense Forces ang mga makataong grupo na gustong pumasok sa Gaza at West Bank.

Krimen sa digma ang henosidyong inihahasik ng Zionistang estado ng Israel at US sa mamamayang Palestine. Walang awa nilang pinauulanan ng bomba at bala ang mga ospital, eskwelahan at mga komunidad na kanlungan ng mga bakwet. Gumagamit sila ng tone-toneladang bomba na overkill sa mga kalaban at tumatarget at pumipinsala sa mga sibilyan. Ito ay mga paglabag sa International Humanitarian Law at mga alituntunin sa pakikidigma. Malaki ang pananagutan dito nina Israel Prime Minister Benjamin Netanyahu at US President Joe Biden, mga makabagong Hitler at hari ng terorismo. Si Netanyahu ay isang pasistang hayok sa gera. Bukod sa pagtanggi sa peace talks, paulit-ulit siyang nagbingi-bingihan sa panawagan ng humanitarian truce para bigyang ayuda ang mga biktima ng pambobomba at karahasan sa Gaza.

Duguan ang kamay ng imperyalismong US sa pagpopondo at pagpapadala ng mga kagamitang militar na ginagamit ng Israel para pulbusin ang Gaza at West Bank, at nitong huli ay sa Lebanon. Sa gitna ng kampanyang elektoral sa US, nakagagalit ang posisyon ni Kamala Harris, bise presidente ni Biden at tumatakbong presidente ng US, na ipagpapatuloy nila ang pagbebenta at pagsusuplay ng armas pandigma sa Israel. Balewala ang pagpopostura ni Harris na naaawa sa mga biktima ng gera gayong ipagpapatuloy niya ang suporta ng US sa gerang agresyon ng Israel at karatig bansa.

Sa harap ng terorismong inihahasik ng imperyalismong US at Zionistang Israel sa Palestine, nagbubunyi ang mga mamamayan at rebolusyonaryong pwersa ng daigdig sa magiting na pagharap at paglaban ng mamamayang Palestine upang biguin ang pananalakay at ipagwagi ang isinusulong na pakikibaka para sa pambansang pagpapalaya. Makatarungan ang paglaban ng mamamayang Palestine na deka-dekada nang pinalayas sa kanilang sariling lupain. Marahas na inagaw ng Zionistang Israel ang 78% ng kanilang lupain sa tinurang Al Nakba o malaking sakuna sa kasaysayan ng Palestine noong 1947. Tanging ang West Bank at makitid na Gaza Strip ang itinira ng Israel sa Palestine. Binakuran ng Zionistang estado ang mga komunidad ng mamamayang Palestine. Naka-iinsulto pa ang pagpapahintulot ng Zionistang Israel na magkaroon ng isang huwad na gubyerno para sa Palestine.

Itinutulak ng terorismo at pasismo ang mamamayang Palestine na pag-ibayuhin ang paglaban para sa pambansang paglaya. Umaani sila ng suporta mula sa internasyunal na komunidad at mga rebolusyonaryong pwersa at partido sa daigdig. Malawak ang panawagan upang ipatigil ang pambobomba at henosidyo sa Palestine na itinatambol maging ng mga tulad ni Pope Francis, ilang mga presidente at mga kilalang personahe sa pulitika, relihiyon at kultura.

Sa gitna ng mga kaguluhang ito, dapat ilantad ang galamay ng US na sanhi ng paghihirap at pagdurusa hindi lamang ng mamamayang Palestine kundi ng iba pang mga bansang Arab sa Middle East at North Africa. Ang pagsuporta ng imperyalismong US sa Zionistang Israel ay bunsod ng pagkagahaman ng una sa mayamang minang langis sa rehiyon. Taun-taon, nilalaanan ng US ng $3 bilyong ayudang militar ang Israel mula World War II. Kontrolado rin nito ang papet na gubyerno ng Zionistang Israel. Bukod sa henosidyo sa Palestine, instrumento rin ng US ang Israel sa gera para sakupin ang mga karatig-bansang Lebanon, Syria, Turkey at Egypt.

Tulad ng mamamayang Palestine, ang mga Pilipino ay biktima ng walang habas na pang-aatake at pambobomba ng anti-komunistang gera ng teroristang estado na suportado ng imperyalismong US. Marapat lamang na suportahan ng mamamayang Pilipino ang pakikibaka ng mamamayang Palestine. Pahigpitin ang pagkakaisa sa mga mamamayan ng daigdig upang ipanawagan ang pagpapatigil sa walang habas na pambobomba.

Palakasin ang panawagang singilin, papanagutin at isakdal ang mga kriminal na estado lalo ang imperyalismong US, Zionistang Israel, kabilang ang pasistang rehimeng Marcos II. Usigin si Netanyahu at kanyang mga heneral, pati si Biden. Palakasin ang panawagan ng pagpapatigil sa pagbebenta at pagsusuplay ng imperyalismong US ng mga armas pandigma sa iba’t ibang pasistang estado.

Ang pagkahayok ng imperyalismong US sa gera at pagkalat ng mga gerang agresyon ay palatandaan ng labis na pagkabangkarote ng pandaigdigang sistemang kapitalista. Kailangang pag-ibayuhin ang pagsusulong ng rebolusyon kasama ang mamamayang api at pinagsasamantalahan sa buong daigdig upang gapiin imperyalismo. Makatarungan ang pagsusulong ng digmang bayan para kamtin ang pambansang kasarinlan, tunay na demokrasya hanggang sosyalismo.

Itigil ang henosidyo sa Palestine at gerang agresyon sa Middle East! Papanagutin ang imperyalismong US at Zionistang Israel sa mga karumaldumal na paglabag sa karapatang tao at internasyunal na makataong batas!