Mga residente sa Bacolod City, tutol sa reklamasyon

, ,

Inihayag ng mga residente ng Barangay Pahanocoy, Bacolod City, Negros Occidental noong Oktubre 9 ang kanilang pagtutol sa 700-ektaryang proyektong reklamasyong nakatakdang isagawa sa baybayin ng kanilang barangay. Pinangunahan ng Pahanocoy Anti-Reclamation Movement (PARM), lokal na tsapter ng Bacolod Against Reclamation Movement, ang nagkakaisang pagtutol sa reklamasyong itinutulak ni Engr. Andres Taculod.

Giit ng mga residente ang kagyat na pagpapatigil sa mapanirang reklamasyon. Ayon kay Jimmy Fuentespina, tagapangulo ng PARM, labis silang nangangamba sa mga epekto ng proyekto sa kanilang mga bahay. Malaki rin ang pangangamba nila sisirain nito ang mahahalagang bakawanan, patubig ng barangay, at uubos ng mga likas na rekurso sa dagat.

Naniniwala ang mga residente na may kaugnayan sa reklamasyon ang malubhang pagbaha sa komunidad noong Hulyo 25 at Agosto 28-29 kasabay ng malalakas na pag-ulan at bagyo. Samantala, iniulat na ng 12 pamilya ang pagbagsak ng kanilang kita at pagtumal sa kanilang kabuhayan na nakasalalay sa dagat at baybayin.

Binatikos din ng grupo ang sinasabi nitong kawalan ng ligal na rekisito ng reklamasyon. Anito, walang karampatang permit ang proyekto mula sa ilang ahensya ng gubyerno kaya dapat na itong ipatigil.

AB: Mga residente sa Bacolod City, tutol sa reklamasyon