Nalalapit na phaseout ng dyip, sasalubungin ng pambansang tigil-pasada

,
Ang artikulong ito ay may salin sa English

Muling magkakasa ng dalawang araw na tigil-pasada ang mga drayber at opereytor ng dyip sa pamumuno ng Pagkakaisa ng mga Samahan ng Tsuper at Operator Nationwide (Piston) sa darating na Disyembre 14-15. Panawagan ng grupo na ibasura ang pakanang phaseout sa mga dyip sa tabing ng bogus na programa sa modernisasyon at sapilitang konsolidasyon ng prangkisa. Anang Piston, higit na naging malinaw ang layunin ng tigil-pasada nang ianunsyo ng rehimeng Marcos noong Disyembre 12 na tuloy ang phaseout sa Disyembre 31.

Binatikos ng Piston ang sinabi ni Marcos na “70% ng mga opereytor ang pumaloob at nagkonsolida” sa ilalim ng bogus na programa sa modernisasyon. Sinabi pa ng kontra-drayber na si Marcos na “hindi natin pahihintulutan ang minorya” na iantala pa ang naturang programa.

Anang grupo, hindi totoo na 70% na ng mga drayber ang nagkonsolida ng kanilang mga prangkisa. “Kabuuang bilang ito ng nagkonsolida para sa lahat ng tipo ng public utility vehicle (PUV) sa buong bansa kabilang ang mga bus. Kung dyip sa National Capital Region, 26% pa lang ang nagkonsolida, kung UV Expresss, 36% pa lang ang nagkonsolida.”

Giit ng Piston, ayon mismo sa datos ng Department of Transportation (DOTr) at ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB), tinatayang aabot sa 33,224 na dyip at UV Express sa buong National Capital Region ang hindi na makabibiyahe kapag itinuloy pa rin ang dedlayn ng sapilitang konsolidasyon ng prangkisa.

“Halos 70% ng lahat ng dyip at 60% ng lahat ng UV Express ang mawawala sa NCR sa Enero 2024,” pahayag ng Piston. Malaking kabalintunaan umano ang pinalalabas ng DOTr at LTFRB na hindi magkakaroon ng krisis sa transportasyon sa pagpupumilit nitong i-phaseout ang mga public utility vehicle.

“Sino’ng niloko nila, eh mismong datos na nila ang nagpapatunay na mauubos ang sasakyang pampasada sa Enero dahil sa mga kagagawan nila!” ayon pa sa grupo. Ibig sabihin, mawawalan ng kabuhayan ang halos 64,000 na mga tsuper at 25,000 na mga opereytor sa NCR. Ngangangahulugan din ito ng halos 20,000 pamilya sa buong NCR ang gugutumin at lalong pahihirapan ng gubyerno sa pagpupumilit na ipatupad ang inutil na programa.

Giit pa ng grupo, walang malinaw na batayan ang gubyerno para ipagpilitan ang dedlayn. “Lalo lang nila papatayin ang mamamayan. Magpapasko na, puro pahirap at kapalpakan pa rin ang gawain ng gubyerno ni Marcos Jr!” ayon pa sa Piston. Taumbayan ang babalikat sa pinsalang idudulot ng planong “modernisasyon.”

Sa ganansya ng dayuhan at lokal na kasosyo

Ang planong jeepney phaseout ay tulak ng mga dayuhang kapitalista at lokal na malalaking negosyante na balak magtambak sa bansa ng mga “electric vehicle” (EV) o sasakyang pinatatakbo ng kuryente (imbes na gasolina) na iniimbak sa baterya. Ginagamit ng mga ito, kasabwat ang reaksyunaryong estado, ang tabing na “maka-kalikasan” at “pag-apula sa climate change” para bigyang katwiran ang pagpatay sa kabuhayan ng maliliit na drayber at opereytor.

Kabilang ang pinakamalalaking burgesyang komprador na makikinabang sa “modernisasyon” ang pamilyang Aboitiz na naglabas ng mga COMET bus, si Ramon Ang (San Miguel Corporation) na magbubukas ng EV battery plant sa Dinagat Islands na nagkakahalagang $500 milyon, at Ayala na nakisosyo sa Kia Motors para sa pagbebenta ng mga imported na sasakyang dekuryente.

Pinirmahan ni Marcos ang Executive Order 12 noong Enero upang bigyan ng “tax break” o tanggalan ng buwis ang importasyon ng mga EV. Ang mga sasakyang ito ang ipampapalit sa tradisyunal na mga dyip dahil “mas malinis” diumano ang mga ito. Sinusugan ang kautusang ito ng National EV Roadmap na binalangkas at ipinatutupad na ng Department of Energy. Sa ilalim nito, mas malaya at mas maluwag nang makapagbebenta ang mga dayuhang tagapagmanupaktura ng EV sa bansa.

Kasabwat ni Marcos ang mga imperyalistang bansa at bangko katulad ng World Bank (pinopondohan pangunahin ng US) at Asian Development Bank (pinopondohan pangunahin ng Japan) sa pagpapatupad ng huwad na programa ng modernisasyon ng transportasyon. Ang imperyalismong US ang pangunahing nagtutulak ng programang ito sa paggugumiit nitong makakuha ng malaking bahagi sa pandaigdigang merkado ng sasakyang dekuryente, kaakibat ng papalaking pamumuhunan nito sa produksyon ng “malinis” na enerhiya. Noong Mayo, inianunsyo ng US na maglalagak ng $5 milyong pondo para sa pagmimina ng mga mineral na kailangan sa paggawa ng sasakyang dekuryente at iba pang kagamitan.

Huwad sa kaibuturan ang pagiging “maka-kalikasan” ng rehimeng Marcos at mga kasosyo nitong dayuhan at lokal na negosyante na kabilang sa pangunahing sumisira sa kalikasan. Habang namumuhunan sa diumano’y “malinis na enerhiya,” ang Aboitiz at San Miguel ay nagpapatakbo rin ng pinakamalalaking planta ng “maruming enerhiya” na sanhi ng 54% ng lahat ng carbon emissions ng bansa.

AB: Nalalapit na phaseout ng dyip, sasalubungin ng pambansang tigil-pasada