Masang drayber at opereytor: Labanan ang pambubusabos ni Marcos sa utos ng WB/ADB!
Ipinararating ng Partido Komunista ng Pilipinas (PKP) ang lubos na pakikiisa sa ilandaang libong drayber at opereytor ng mga jeep na naglunsad ng dalawang-araw na tigil-pasada upang labanan ang harap-harapang pagnanakaw sa kanilang kabuhayan ng rehimeng US-Marcos sa tabing ng “franchise consolidation” at huwad na programa ng “jeepney modernization.”
Binabati namin ang mga drayber at opereytor ng jeep, gayundin ng iba pang pampublikong transportasyon, sa ipinamalas nilang pagkakaisa, paninindigan at determinasyong lumaban sa tigil-pasadang protesta, na ikatlo na sa nagdaang mga buwan.
Nagbibingi-bingihan si Marcos sa hinaing ng mga drayber at opereytor ng jeep at iyak ng kanilang mga anak. Tumatanggi siyang kahit pakinggan ang makatwirang hininhingi ng mga drayber. Minaliit ni Marcos na “minorya” lang daw ang mga tutol sa “franchise consolidation” upang pagtakpan ang malawak na problema ng pagkawala ng hanapbuhay at kagutumang idudulot nito sa daan-daan libong mamamayan.
Pero kung malalaking kapitalista ang bumulong, mabilis pa sa alas-kwatro kung kumilos si Marcos. Ganap na niyuyurakan ni Marcos at ng kanyang mga upisyal ang interes at mga karapatan ng mga maliliit na drayber at opereytor ng jeep, dahil ito ang utos ng mga dayuhang bangkong kanilang inuutangan.
Ang World Bank (WB) at Asian Development Bank (ADB), kasabwat ang dayuhang monopolyong mga korporasyon, ang tunay na nagtutulak ng franchise consolidation na bahagi ng kanilang huwad na programa sa “modernisasyon.”
Aabot sa daan-daang bilyong dolyar na pautang ang isinalaksak sa lalamunan ng sambayanang Pilipino na yumuyurak sa interes ng maliliit na naghahanapbuhay. Kabilang sa mga ito ang Metro Manila Transport Project (2017) ng WB at ADB, ang proyektong Cebu Rapid Bus Transit (WB at AFD o Development Agency of France), at Davao Public Transport Modernization Project (\$1 bilyong pautang mula ADB).
Itinulak ang lahat ng mga proyektong ito sa kapakinabangan ng mga dayuhang kumpanya na silang tagasuplay ng mga kagamitan at makina sa konstruksyon, pati na ang mga sasakyang gagamitin sa itinatakda ng mga ito na sistema sa transportasyon. Mismong World Bank ang nagtakda ng taong 2024 para sa konsolidasyon ng mga prangkisa upang mas madali at mahigpit nitong makontrol ang transportasyon. Tatabo ng malaking tubo ang mga lokal na kapitalistang magpapatakbo ng sistemang ito, kasabwat ang mga upisyal ng gubyerno.
Sinasamantala ng WB at ADB ang aktwal na problema sa pampublikong transportasyon sa mga syudad para maibenta ang kanilang mga sobra at pinaglumaang sasakyan at teknolohiya. Subalit hindi nito nilulutas ang tunay na problema ng tagibang na kaunlaran at sobrang konsentrasyon ng populasyon sa ilang mga syudad na resulta ng kawalan ng tunay na reporma sa lupa at pambansang industriyalisasyon.
Kung kaya ang pakikibaka ng masang mga drayber at opereytor ng jeep ay mahigpit na nakaugnay sa paglaban ng buong sambayanang Pilipino sa dayuhang pagkontrol ng malalaking bangko at monopolyong kumpanya sa ating ekonomya, kabuhayan at yaman ng bansa, kasabwat ang malalaking burgesyang komprador at burukratang kapitalista.
Ang pagwawakas sa imperyalistang dominasyon sa Pilipinas at pagkamit ng tunay na kalayaan ang tunay na tatapos sa pambubusabos sa mga drayber at opereytor ng jeep, at ng buong sambayanang Pilipino.